Pangalan ng lotto winners, ibibigay ng PCSO sa senado
ni Ryan Sison @Boses | Enero 20, 2024
Matapos na mag-viral ang edited na larawan ng isang Lotto 6/42 jackpot winner, inihayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na isusumite na nila ang mga pangalan ng mga nanalo sa lotto sa isang Senate executive session kung sila ay isu-subpoena.
Sa naganap na Senate inquiry nitong Huwebes, kinumpirma ni PCSO General Manager Melquiades “Mel” Robles na ang naturang larawan ay edited para protektahan ang pagkakakilanlan at privacy ng bettor.
Nag-viral kasi sa social media ang post ng PCSO, kung saan makikita sa nasabing photo mula sa ahensya na ang winner ay mula sa San Jose Del Monte, Bulacan na nag-claim ng Lotto 6/42 jackpot na nagkakahalaga ng P43,882,361.60 sa PCSO Main Office noong Disyembre 28, 2023.
Sinabi naman ni Senator Raffy Tulfo kay Robles, sa executive session ay kailangan niyang malaman kung sino ang nanalo dahil aniya, merong mga balita na katropa umano nila ang nanalo sa lotto.
Giit ni Tulfo, kailangan niya ang pangalan at identity ng nagwagi, at kung kinakailangan nilang mag-hire ng private detective ay gagawin niya. At kapag na-trace na lumitaw na hindi talaga connected sa kanila (PCSO) ay sasabihin din ito ng senador sa executive session.
Iminungkahi naman ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel na limitahan lamang ang mga miyembrong sasali sa executive session.
Paliwanag ni Robles, ang lahat ng nananalo sa lotto ay on record at kung isu-subpoena man sila ay handa nilang i-provide ang mga pangalan ng winners.
Pinangunahan ni Tulfo ang naturang panel hearing sa hangarin niyang ipagbawal ang online placing ng bets o taya para sa lahat ng lotto games.
Tama sigurong isumite ng pamunuan ng PCSO ang mga pangalan ng mga nagiging winner ng kanilang mga lotto games lalo na iyong malalaki ang nakukuhang jackpot prize para mas maging safe sa ahensya at maiiwasan ang anumang pagdududa o ispekulasyon sa kanila ng taumbayan.
Gayunman, kailangan pa rin ang mahigpit na confidentially at privacy ng bettor dahil mas mahalagang maprotektahan nila ang pagkakakilalan ng mga nananalo.
Posible kasing magdulot ito ng panganib sa buhay at maging sa pamilya ng nagwagi ng lotto kapag nalaman ang kanilang identity at malalagay din sila sa alanganin.
Hiling lang natin sa kinauukulan na sana ay patuloy na mapangalagaan ang kapakanan ng mga mamamayan, maprotektahan ang mga mahihina, at mahikayat ang taumbayan sa kanilang gambling practices na maging responsable para na rin mas umunlad ang kanilang pamumuhay.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments