Pangakong murang bigas, napako na
@Editorial | June 29, 2023
Sa isang lungsod sa Metro Manila, pamorningan sa pila ang mga gustong makabili ng murang bigas.
Pinilahan ng mga tao kabilang ang mga senior citizens at persons with disabilities (PWD) ang isang Kadiwa store para makabili ng bigas na P25 ang kada kilo. Una na kasing inanunsyo na hanggang Biyernes na lang makapagbebenta ng murang bigas.
May mga pumila na hindi na rin nakabili dahil naubos na. Ipinaliwanag ng pamunuan ng Kadiwa na hanggang 150 katao lang ang mapagbebentahan nila ng bigas sa isang araw para hindi agad maubos ang suplay.
Sana ay maging maayos ang sinasabing pakikipag-ugnayan ng gobyerno sa mga kooperatiba para maipagpatuloy ang pagbebenta ng murang bigas.
Sa ganitong sitwasyon ay hindi maiwasan na magtanong ang taumbayan, nasaan na ang pramis na P20 kada kilo ng bigas? Tuluyan na bang napako ang ipinangako ni Pangulong Bongbong Marcos?
Batid naman natin na ito ang isa sa mga dahilan kung bakit siya pinili ng nakararami.
Idagdag pa natin ang alalahanin ngayon na may mga magsasaka na hindi raw muna magtatanim dahil sa El Niño. Kung walang aanihin, apektado ang supply at tiyak kasunod na nito ang panibagong taas-presyo sa bigas. At sa malamang, importasyon na naman ang naiisip na solusyon ng gobyerno. Paulit-ulit na lang ang ganitong senaryo sa ating agrikultura.
Sana dumating na ang pagkakataon na hindi na tayo hirap sa bigas. Para sa mag-anak na tinatawid lang ang isang araw, napakahalaga na makabili ng mura at maayos na bigas kahit limitado ang ulam.
Pero, ano bang alam ng mga nasa katungkulan na hindi problema ang ilalaman ng tiyan?



Comments