Pangako, kaya napako... P10K ayuda, ayaw ibigay ni PBBM — Alan
- BULGAR

- 3 days ago
- 2 min read
ni Mylene Alfonso @News | July 19, 2026

Photo: Alan Peter Cayetano
Ibinunyag ni Senador Alan Peter Cayetano na hindi umano sinang-ayunan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang magbigay ng P10,000 ayuda sa mga kwalipikadong benepisyaryong patuloy pang bumabangon mula sa epekto ng pandemya matapos manalo noong 2022 presidential elections.
Sinabi ni Cayetano na inihain niya ang mungkahing ayuda noong 2021 hanggang sa pagpasok ng 2022 dahil marami pa umanong Pilipino ang hindi pa lubos na nakababawi sa kanilang kabuhayan.
“So, noong 2021, going into 2022, sabi ko marami pang hindi nakaka-recover, so kaya ng ating budget magbigay. Pero pagkapanalo ni President Marcos, ayaw niya,” wika ni Cayetano sa isang Facebook livestream na inilabas nitong Biyernes, Hulyo 17.
Ayon kay Cayetano, sapat umano ang pondo ng pamahalaan sa naturang ayuda.
Taun-taon aniya ay nagtatanong siya sa Senate Committee on Finance hinggil sa nakalaang budget para sa ayuda na umaabot umano sa P200 bilyon hanggang P400 bilyon.
“Pero every single year po tinatanong ko 'yun sa aming Chairman of Finance, 200 to 300, minsan 400 billion ang ayuda. So, kaya. Kaya pong bigyan ng 10K,” aniya.
Ginawa ni Cayetano ang pahayag kasunod na rin ng pag-aanunsyo ni Pangulong Marcos ng pinalawak na United Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) program, na nagbibigay ng tulong-pinansyal sa mga mahihirap na pamilyang apektado ng pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Sa naturang livestream, kinuwestiyon din ni Cayetano kung bakit ngayong 2026 lamang ipinatutupad ang mas malalaking ayuda, at nagbitiw ng alegasyon kaugnay ng umano’y daan-daang bilyong pisong pondo ng pamahalaan.
“Pero the past two days, sobra po 'yung mga — ganda ng amounts na ina-announce. So sabi sa akin, 'Sir, may 12K pa, so kaya pala 'yung 10k.’ Bakit ngayon lang 2026? Alam na 'yung sagot. O ano 'yung sagot? Eh nanakawin muna 'yung daan-daang bilyon bago kayo bigyan, 'di ba?" punto ng senador.
Inaasahang sisimulan bukas ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang pamamahagi ng cash assistance sa ilalim ng pinalawak na UPLIFT program.
Bumwelta naman si Palace Press Officer Usec. Claire Castro sa pahayag ni Cayetano.
“Si Sen. Alan, imbes na ituro ang sarili sa kanyang kapabayaan sa pagtatrabaho, magtuturo siya ng iba masagip lang ang sarili sa kahihiyan,” saad ni Castro.
“Ebidensya ang ibibigay namin panlaban sa mga kasinungalingan ni Sen. Alan,” dagdag pa nito.





Comments