Pang-'pork barrel' ng mga cong., gawing pang-ayuda sa mga Pinoy!
- BULGAR
- Mar 27, 2021
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | March 27, 2021
KAPAG BUMABABA ANG BILANG NG NAGKAKA-VIRUS, EXCELLENT ANG GOV’T. PERO KAPAG DUMAMI, PASAWAY ANG PINOY—Sa pagdami ng mga nadadale ng COVID-19 ngayon, ang sinisisi ng Duterte gov’t. ay ang taumbayan.
Sabi ni P-Duterte, sobrang dami ng populasyon at ayon naman kay Health Sec. Francisco Duque III, walang disiplina ang mga Pinoy kasi nakikita niyang hindi naisusuot nang maayos ang mga facemask at face shield.
‘Yan ang hindi kagandahan sa gobyerno, kapag bumaba ang bilang ng mga nagkaka-virus, excellent ang Duterte gov’t. at kapag dumami naman ang mga nadadale ay pasaway ang mga Pinoy, tsk!
◘◘◘
BANAT NI SEN. IMEE MARCOS, PATUNAY NA PALPAK ANG DUTERTE GOV’T.—Kahit si Sen. Imee Marcos na kaalyado ni P-Duterte na nadismaya na sa mabagal na aksiyon ng gobyerno sa pag-angkat ng bakuna, na dahil sa kakuparan ay nag-back to square one ang pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19 at mas lalo pang lumala ngayon ang pananalasa ng virus sa bansa.
Ang pambabatikos ni Sen. Imee sa isyung mabagal na pagbili ng bakuna ng pamahalaan ay pagpapatunay lang na palpak nga sa laban kontra COVID-19 ang Duterte gov’t., boom!
◘◘◘
BUDGET SA PORK BARREL PROJECTS NG MGA CONG.. SOBRA NANG PANG-AYUDA SA MAMAMAYAN—Sabi ni Presidential spokesman Harry Roque, kahit patuloy na tumataas ang bilang ng mga tinatamaan ng virus ay walang plano ang pamahalaan na magpairal ng lockdown sa kadahilanang walang pambigay-ayuda sa mamamayan.
Kung gusto ng gobyerno na may maibigay na pang-ayuda, simple lang ang dapat gawin ni P-Duterte at ito ay gawing pang-ayuda ang nakalaang budget sa pork barrel projects ng mga kongresista at kapag nagawa ‘yan ng pangulo ay sa totoo lang, sobra-sobrang pang-ayuda na ‘yan sa mamamayan na maapektuhan ng lockdown, period!
◘◘◘
AFP ASTIG SA VIETNAM, TIKLOP SA CHINA—Ibinida ng AFP (Armed Forces of the Philippines) na inaresto nila ang pitong mangingisdang Vietnamese sa karagatang sakop ng Pilipinas sa Tawi-Tawi.
Ang akala ng publiko na ibibida ng AFP ay napaatras na nila ang 220 barko ng China na pumasok at tumambay sa Julian Felipe Reef ng West Philippines Sea (WPS), eh, ‘yun pala, ang ibibida ay nakahuli sila ng pitong mangingisdang Vietnamese.
‘Yan ang AFP sa ilalim ng pamumuno ni P-Duterte, astig sa Vietnam, tiklop sa China!





Comments