Pandemya pa rin ang kalaban, hindi ang mga ‘di bakunado
ni Ryan Sison - @Boses | January 10, 2022
Ilang lokal na pamahalaan na ang nagpapatupad sa kautusang hindi palabasin ng bahay ang mga hindi bakunado laban sa COVID-19 sa Kamaynilaan.
Naglabas ng ordinansa ang Metro Manila Council tungkol dito dahil matatandaang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga barangay officials na kunin ang mga pangalan ng hindi bakunado sa mga nasasakupang lugar. Kabilang din sa kautusan ng Pangulo na arestuhin ang mga lalabas na hindi bakunado. Bagay na pinalagan ng marami nating kababayan.
Kaugnay nito, binigyang-linaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ang pag-aresto sa mga magpupumilit na lumabas ay magiging “last resort lamang”.
Paliwanag ni Interior Undersecretary Jonathan Malaya, ang hakbang ay upang maprotektahan ang mga residenteng hindi pa bakunado sa gitna ng patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases dahil sa Omicron variant.
Sa kasalukuyan, pitong siyudad sa Metro Manila ang nagpapatupad ng naturang ordinansa hinggil sa pagbabawal sa mga hindi bakunadong indibidwal na lumabas at papayagan lamang kung bibili ng essential goods.
At sa ilalim ng resolusyon, ang indibidwal na lalabag ay pagmumultahin ng P500 hanggang P5,000 at makukulong ng 7 hanggang 30-araw, habang ang mga establisimyentong lalabag ay pagmumultahin din ng P3,000 hanggang P5,000 at suspension o posibleng ma-revoke ang business permit.
Hanggang ngayon, marami ang nagtatanong kung makatwiran ba ang ordinansang ito, lalo pa’t naniniwala ang ilang grupo na may diskriminasyong nangyayari.
Pero sa kabilang banda, hangad natin ang kooperasyon ng bawat isa dahil tulad ng nilinaw ng kinauukulan, ang pagpapatupad nito ay para sa proteksiyon ng mga kababayan nating hindi bakunado. Pakiusap lang natin, tiyaking wala tayong malalabag na karapatang-pantao.
Tandaan, pandemya ang kalaban natin dito at hindi tao.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments