top of page
Search
BULGAR

Panawagan sa COMELEC: Pinoy Hybrid Election System, simulan na

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | December 3, 2023


Hindi kalayuan sa parokyang pinaglilingkuran ko sa Barangay Bahay Toro ang Pugad Lawin.


Ayon sa Katipunerong Santiago Alvarez, anak ni Mariano Alvarez, puno ng grupong Magdiwang ng Katipunan, naganap ang kinikilalang “Sigaw ng Pugad Lawin” sa Barangay Bahay Toro noong Agosto 23, 1896.


Ano ang Sigaw ng Pugad Lawin? Ito ang makasaysayang pagpunit ng mga cedula ng mga Katipunero kasama ang kanilang lider na si Andres Bonifacio. Hudyat ito ng pag-aklas at pagrerebelde ng mga katipunero laban sa España. At ito na rin ang opisyal na simula ng rebolusyon ng Katipunan laban sa bansang mananakop na España. Mahigit 127 taon na ang nakalilipas mula nang mag-aklas ang Katipunan laban sa España. Ngunit, ligtas na ba tayo sa pananakop at paniniil ng mga bansang mananakop?


Ngunit, hindi ganu’n ka-simple ang ating problema. Malinaw na naririyan ang China na umaali-aligid sa West Philippine Sea at walang tigil na nambu-bully sa ating mga mangingisda at mga barko ng Philippine Coast Guard.


Bagama’t nasa karagatang pumapalibot sa malaking bahagi ng ating bansa ang mga barko ng China, matagal nang nasa loob ang iba’t ibang interes na nagmula sa People’s Republic of China o PRC. Napakaraming mga business ang hawak ng PRC sa pamamagitan ng mga lokal na partners nito. Hindi natin alam pero, ramdam na ramdam naman natin kung gaano kalaganap ang saklaw ng kapangyarihan ng ekonomiya o salapi ng PRC sa buong bansa. Hindi na nga kailangang sabihing may banta na maging “Province of China” tayo. Sa totoo lang, “de facto” o hindi man sinasabing ganito ngunit nababansagan tayong “Province of China”.


At dagdag pa sa problemang ito, ang mabigat na komplikasyon ng “panloob na pananakop” o “internal colonization.” Tingnan nating maigi ang panloob na pananakop ng mga pulitiko at mangangalakal na mamamayan na nagsanib-puwersa na sa ating bansa. Buhay na buhay at namamayagpag sila tuwing halalan. At masiglang-masiglang naglilingkod naman sa kanila ang isang napakasagradong institusyon na mismong simbolo ng demokrasya, ang Commission on Elections (COMELEC).


Hindi man umaalma at nagrereklamo ang karamihan ng mamamayan, meron nang tila mantsa at masangsang na amoy na bumabalot sa COMELEC. At unti-unting lumilinaw at lumalantad ang pangit at madilim na mukha ng nakaraang eleksyon na hindi naganap sa paraang inaasahan ng lahat.


Salamat sa paggamit sa imported na election system na nakilala sa pangalang Smartmatic, nakuha ng mga malaki at ibinigay ang kanilang kagustuhan. Naagaw sa taumbayan ang kanilang umano’y karapatan at kapangyarihang pumili ng mga napupusuang matitino at totoong mga lingkod bayan.


At napapanahon ngayong ika-127 taon makaraan ang Sigaw ng Pugad Lawin na magpunit din ng isang mahalagang dokumento sa harapan ng COMELEC.


Salamat sa paglipat ng Pangulo noong nakaraang Lunes, ika-27 ng Nobyembre, sa pista ni Andres Bonifacio bilang holiday, kapalit ng pagpasok ng ika-30 ng Nobyembre. Kaya sa araw ng kapanganakan ni Andres, sa pista rin ni San Andres Apostol, sa Plaza Roma, na kaharap ang COMELEC, sabay-sabay pinunit ng ilang mamamayan ang mga sample ballots na gawa ng Smartmatic para sa nakaraang pambansang halalan.


Tanda ang pagpunit ng mga balota ng nakaraang pambansang halalan ng pagtatatwa ng anumang dumi at pandaraya umanong naganap nang nakaraang pambansang halalan noong Mayo 9, 2022.


Habang marahang pinupunit ng mga kinatawan ng September Twenty One Reform Movement (STORM), Solidarity for Truth and Justice (STJ) at Clergy for the Moral Choice (CMC), sabay-sabay ang pagsigaw, “No to SMARTMATIC! No to Foreign Election System! Yes to Filipino Hybrid Election System!”


Sana, makarating ito sa mga kinauukulan sa COMELEC. Malaking pera ang itinapon sa halip na ginamit para bilangin ang bawat boto ng mga mamamayan. Meron pa bang demokrasya kung hindi ang kalooban ng taumbayan ang napapakinggan laban sa maruming pangarap ng mga ganid sa kapangyarihan at kayamanan?


Pakiusap sa mahal naming Andres Bonifacio, gisingin ninyo ang mga mamamayang Pilipino upang manumbalik ang kakayahang isigaw, “Tama na ang dayaan!!! Alis na ang mga korup na opisyal at mga ganid na pulitiko! Tayo na’t simulan ang Pinoy Hybrid Election System!”


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page