Panawagan ni Mayor Magalong vs. pork barrel, dapat pakinggan ng mga Sen. at Cong.
- BULGAR
- Sep 4, 2024
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 4, 2024

PARA MATIGIL GIRIAN NG 2 ‘LORDS’ SA TUGUEGARAO, DAPAT IPA-STOP ANG KANILANG MGA RAKET NA ILLEGAL GAMBLING -- Nagkakagirian daw ang dalawang gambling lord na sina alyas "Melad" at "Elmo" na kapwa may raket na "dice" sa Tuguegarao City.
Sa totoo lang, pareho namang ilegal ang raket nina "Melad" at "Elmo", at para matigil na ang kanilang girian, dapat ipatigil na nina PNP-Region 2 Director, Brig. Gen. Christopher Birung at Mayor Maila Que ang illegal gambling operation ng dalawang ilegalistang ito sa Tuguegarao City, boom!
XXX
DAPAT PAKINGGAN NG MGA SEN. AT CONG. ANG PANAWAGAN SA KANILA NI MAYOR MAGALONG NA ISAKRIPISYO ANG MGA PORK BARREL -- Binaha na naman ang Metro Manila at mga karatig lalawigan dulot ng ulan na dala ng Bagyong Enteng.
Sa totoo lang, kung pakikinggan lang ng mga senador at kongresista ang panawagan sa kanila last July 2023 ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na isakripisyo na nila ang kanilang pork barrel funds, ay siguradong magkakaroon ng malaking budget ang Dept. of Public Works and Highways (DPWH) para sa flood control project.
Sana, pakinggan ng mga sen. at cong. ang panawagan sa kanila ni Mayor Magalong para matapos na ang problemang baha sa ‘Pinas, period!
XXX
PARA OVP BUDGET APRUB AGAD, DAPAT TULARAN NI VP SARA ANG DISKARTE NOON NI EX-VP LENI -- Noong time ni former Vice Pres. Leni Robredo, kapag panahon ng budget deliberation ay detalyado ang budget ng Office of the Vice President (OVP) na kanyang isinusumite sa Senado at Kamara kaya simbilis ng kidlat ay aprub ito.
Sana tularan ni VP Sara Duterte-Carpio ang diskarteng ito ni ex-VP Leni para ang hirit niyang budget ng OVP oks agad.
Sa nangyari kasi sa budget deliberation last Aug. 28, 2024, hindi detalyado ang isinumite ni VP Sara sa Kamara tungkol sa kung saan-saan gagastahin ang hinihingi niyang higit P2 billion OVP budget sa 2025. Kapag nagtanong ang mga kongresista, hindi niya maipaliwanag, at paulit-ulit ang sagot kaya ang naging resulta, ipinagpaliban muna ng mga mambabatas ang pag-aprub sa OVP budget, tsk!
XXX
HINALA NI VP SARA NA I-IMPEACH SIYA, TILA TOTOO BASE SA SINABI NI CONG. FRANCE CASTRO -- Ayon kay ACT Teacher Rep. France Castro, impeachable raw ang maling paggamit ni VP Sara sa confidential fund na P125 million noong last quarter ng year 2022.
Kung ganu’n, tila totoo ang hinala ni VP Sara na may mga nagpaplano para siya ay i-impeach bilang bise presidente ng ‘Pinas, period!
Comments