Pananaw at paninindigan ng mga pari sa pagpili ng kandidato
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | April 24, 2022
Isang makasaysayang pangyayari ang naganap noong nakaraang Biyernes. Kulang-kulang limampung pari ang nakadalo sa inihandang pagtitipon kasama ni VP Leni Robredo sa Simbahan ng San Pablo Apostol sa kalye Velazquez sa Tondo.
Bagama’t tila maliit lang ang bilang ng mga paring nakarating, maliit na anino lamang ito ng higit na malaking naganap sa social media, kung saan nalagdaan ng isang 1,043 pari mula Luzon, Visayas at Mindanao ang pahayag ng pagsuporta kina VP Leni at Senador Kiko Pangilinan. Hayaan po ninyong ibahagi sa inyo ang pagbati at pagpapakilala sa bagong grupo ng kapariang binuo para sa nalalapit na Halalan 2022.
“Magandang hapon po sa inyong lahat. Sa hapong ito, ilulunsad po natin ang Clergy for the Moral Choice. Kami po ay mga paring diyosesano at relihiyoso mula sa iba’t ibang diyosesis at kongregasyon sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa. Nais namin muling italaga ang aming sarili sa pagtupad sa aming bokasyon at misyon na sumunod kay Kristo na nangaral at nanindigan para sa ebanghelyo ng Katotohanan, Katarungan, Kapayapaan at Pagmamahal sa kapwa, kalikasan at sa Panginoong Diyos.
Lubhang maselan at mapanganib ang hinaharap nating halalan. Hindi lang po ito tungkol sa pagpili ng kandidato para sa anumang posisyon. Ang nalalapit na halalan ay tungkol sa pag-ahon ng ating bansa sa kumunoy ng kasinungalingan, karahasan, korupsiyon, pagbenta at pagsuko sa soberanya. Ngayon pong Biyernes sa oktaba ng Pasko ng Pagkabuhay ng Panginoon, nais naming kaparian na ipahayag at yakapin ang Ebanghelyo ng Buhay at Dignidad ng Lahat. Nais po naming itanghal ang liwanag ng moralidad, ng pagkilala at pagpili sa tama, mabuti, marangal at banal. Kung namatay si Kristo para sa ating kasalanan, kung inilibing siya sa kadiliman ng kamatayan, Siya ngayon ay muling nabuhay at nagbibigay sa ating lahat ng lakas, liwanag at pag-asa.
Sa susunod na bahagi ng ating pagtitipon, babasahin po ang aming pahayag ng pagsuporta para sa Pagpasyang Moral (Moral Choice). Ito po ay ang pananaw at paninindigan na nilagdaan ng mahigit isang libong kaparian mula sa Luzon, Visayas at Mindanao. Dito po namin ipapaliwanag ang pinagdaanan naming pag-aaninag sa katotohanan at sa kalooban ng Diyos. Dito po namin sama-samang ipapahayag ang aming pagpasya at pagpili sa kandidatong magiging lider at kasama ng lahat sa pag-ahon ng ating bansa sa kumunoy na nagpapahirap, humahati, lumilinlang at bumibihag at unti-unting kumikitil sa kaluluwa nito.
Earth Day po ngayon, araw ng pagkilala at pagpapahalaga kay Inang Kalikasan. Sa araw na ito, nais po naming ibigay ang aming suporta para sa isa ring ina, asawa, lider, inspirasyon na sasamahan tayong lahat tungo sa masaya, malaya, malinis, makatarungan at mapayapang kinabukasan ng Radikal na Pagmamahal. VP Leni Robredo, kayo po, kasama ni Senador Kiko Pangilinan ang aming Pasyang Moral, ang aming Moral Choice.”
Pagkatapos kong basahin ang pagbati at paliwanag sa Clergy for the Moral Choice, tinawag naman si Msgr. Romy Ranada upang basahin ang pahayag na nilagdaan ng mahigit isang libong paring Pilipino. Hindi binasa ni Msgr Romy Ranada ang buong pahayag ng kaparian. Ang iba’t ibang bahagi nito ay binasa naman ng mga pari sa iba’t ibang wikang Filipino. Marahan, malinaw at puno ng paggalang na binasa ni Msgr Romy at ang ibang pari sa iba’t ibang panig ng kapuluan ang aming pahayag ng pagsuporta para kina VP Leni at Kiko.
Nasulyapan kong ngumingiti si VP Leni lalo na habang binabasa ang bahaging binabasa sa wikang Bicol. Nang ibinigay niya ang kanyang pagtugon sa pahayag na nilagdaan ng mahigit isang libong Pilipino, kitang-kita ang galak at pasasalamat ni VP Leni.
Dahil kaarawan ni VP Leni, pinakiusapan niya ang mga kaparian na habaan ang kanilang pasensiya sa paglilingkod sa lahat. Humingi rin siya ng regalo para sa kanyang kaarawan: “Kung maaari lang na regalo n’yo sa akin ay huwag kayong makikipag-away.”
Saan kaya madalas mapaaway ang mga sumusuporta kay VP Leni?
“Malinaw na sa halip na guluhin natin ang anumang okasyon sa pakikipag-away o sagutan sa mga merong ibang pananaw kaysa atin, pag-aralan ninyong pigilan ang inyong damdamin. Ito lang ang hinihingi kong birthday gift bukas, pag-aralan ninyong magtimpi at iwasan ang pakikipag-away sa mga merong ibang kandidato sa pagka-presidente at bise-president.”
Alam natin at dama natin ang pagod at hirap na pinagdaraanan ni VP Leni ngayong panahon ng kampanya, ngunit, hindi po natin ito halata dahil sa kanyang maganda’t mapayapang ngiti at disposisyon na puno ng paggalang at pagmamahal sa Diyos at kapwa. Ito kaya’y galing sa malinis at marangal na kalooban ni VP Leni? Tiyak po namin na ganito nga… kaya’t siya ay napili naming Candidate for the Moral Choice (ng lahat ng diyosesis at relihiyoso sa buong bansa).





Comments