Pananatili ng alert level system, hirit sa Marcos admin
ni Ryan Sison - @Boses | June 7, 2022
Nais ng Department of Health (DOH) na panatilihin ang alert level system bilang gabay sa pagpapatupad ng mga panuntunan kontra COVID-19 sa mga lugar sa bansa.
Ito ang irerekomenda ng DOH sa susunod na administrasyon, gayung papalapit na ang pagtatapos ng pamumuno ni Health Secretary Francisco Duque III.
Ayon sa DOH, sa kasalukuyan ay malaking bahagi ng bansa ang nasa Alert Level 1, pero may ilang lugar pa ring nananatili sa Alert Level 2, partikular sa Mindanao. Nais umano ng ahensiya na maibaba ang lahat ng lugar sa Alert Level 1 bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa katapusan ng Hunyo. Pero mahirap umano itong makamit dahil mababa pa rin ang COVID-19 vaccination coverage sa ilang lugar.
Gayunman, base sa datos, 71 milyon na ang fully vaccinated sa bansa, pero nananatili sa 14 milyon ang may booster shot. Dahil dito, patuloy na hinihimok ng DOH ang publiko na magpabakuna ng hanggang booster bilang karagdagang proteksiyon laban sa COVID-19.
Kasabay ng rekomendasyon pananatili ng alert level system ay ang panawagan na palakasin pa ang kapasidad ng mga pagamutan sa buong bansa.
Nakita natin ang epekto ng alert level system — bumalik ang sigla ng ekonomiya at marami ring balik-trabaho. Siyempre, kapansin-pansin din ang pagbaba ng naitatalang kaso ng COVID-19.
Kaya kung may malaking tulong naman sa ekonomiya at pagbaba ng kaso ng sakit, walang dahilan upang hindi ito ipagpatuloy ng susunod na administrasyon.
Ngunit kung may makikita pa tayong mas epektibong mga hakbang, maaari naman itong subukan, basta’t aprubado ng mga eksperto.
Pero sa ngayon, suhestiyon natin na ru’n tayo sa subok na at talagang kapaki-pakinabang.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments