Pananalasa ng Omicron variant, pagtatapos ng pandemya?!
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | January 23, 2022
Napakarami na namang paghihigpit na ipinatutupad ang gobyerno, kasunod ng muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa, gayundin sa pagsisimula ng pananalasa ng Omicron variant.
Matatandaang noong Disyembre, 2021, dumagsa nang husto ang mga tao sa mga palengke, mall, parke at iba pang pasyalan. Nasabi nga natin, “Akala mo wala nang virus sa paligid sa dami ng taong lumalabas. Malamang ay magkaroon na naman ng surge sa pagpasok ng bagong taon.”
Aba’t, nagdilang-anghel ba tayo? Hindi. Maraming eksperto ang nagsabing magkakaroon tayo ng problema sa pagpasok ng 2022 dahil sa malawakang pagkalat ng COVID-19 sa bansa. Kaliwa’t kanan ngayon ang banta sa kalusugan na kung hindi magbabago ay tuluyang babagsak ang ekonomiya.
Sa kabila nito, marami pa rin ang naniniwalang hindi totoo ang virus. At lalong hindi totoo ang bakunag ginagamit laban dito. Isinali pa sa usapan ang diyos at demonyo. Galing daw sa demonyo ang virus, lalo na ang bakuna. Kapahamakan umano ang naghihintay sa mga nagpabakuna dahil sa loob ng dalawang taon ay magkakaroon ito ng negatibong epekto. Kaya ang resulta, marami tuloy sa ating mga kababayan ang hindi nagpabakuna.
Ngunit, unti-unting nagbago ang sitwasyon dahil sa dumaraming bilang ng mga namamatay na mga hindi bakunado kontra COVID-19. Tunay na maraming namamatay ngayon at karamihan ay may kaugnayan sa pandemya, ngunit marami rin ang kamatayan ay dahil sa dati nang karamdaman na pinalala lamang ng pandemya, tulad ng pahirapan ang pagpunta sa ospital para magpakonsulta o magpagamot.
Samantala, kamakailan ay nagpahayag ang isang miyembro ng OCTA-Research na si Fr. Nicanor Austriaco, na nagsabing dapat nating maunawaan na ang Omicron variant ay simula ng katapusan ng pandemya dahil magdudulot ito ng “herd immunity” na makatutulong sa muling pagbabalik sa normal ng lahat. Maraming natuwa dahil napakagandang pakinggan na “malapit nang matapos ang pandemya”. Maaaring totoo ito, pero puwede ring hindi sapagkat hindi nating lubos na malalaman kung paano nagmu-mutate ang virus.
Gayundin, nagpahayag ang Chief Public Attorney na nananawagan sa sobrang paghihigpit ng pamahalaan sa mga hindi bakunado, ito raw ay paglabag sa kanilang karapatang-pantao na sinundan naman ng pahayag mula kay Sen. Franklin Drilon, na hindi dapat nagbibitiw ng mga pahayag na taliwas sa posisyon ng pamahalaan, lalo na sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.
Pagod, hirap at gutom na tayong lahat. Paano tayo tutulungan ng pamahalaan at iba pang institusyon na mag-isip at kumilos ng maayos?
Sa ngayon, kailangan ng pag-aaral. Hanapin ang matitino at makatotohanang bukal ng impormasyon. Iwasan ang sari-saring “conspiracy theories” at “zombie stories” tungkol sa bakuna na laganap na sa social media.
Pagkakapit-bisig ang dapat prayoridad – magtulungan sa pagpapalakas ng kalusugan at pagbibigay-proteksiyon sa lahat, lalo na sa mga higit na nangangailangan nito.





Comments