top of page

Pananakop ng mga kalahi na mahilig sa pera, pamumulitika at pang-aabuso

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 23, 2023
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 23, 2023


Tiyak na tulad ng marami, 'di tayo makakapasok ng Batasan para sa State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo. Kaya’t heto ang munting pagninilay na aking ambag.


Hindi na kailangan ang mga conquistadores mula sa España o ang mga Amerikano at Hapones na kasunod ng mga ito. Hindi na rin kailangan ang mga taga-Tsina na lulan ng sari-saring barkong pangisda o nananakot sa ating West Philippine Sea.


Oo, malaking problema silang mga mananakop mula sa labas, ngunit paano na ang mga mananakop mula sa loob? Hindi mo sila masasabihang, “Umalis kayo sa bansa namin at amin ito”.


Ang mabilis nilang isisigaw, "Narinig nating sinabi ni Kristo: 'Huwag ninyong isiping naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa; naparito ako upang magdala ng tabak, hindi kapayapaan. Sapagkat naparito ako upang papaglabanin ang anak na lalaki at ang kanyang ama, ang anak na babae at ang kanyang ina, ang manugang na babae at ang kanyang biyenang babae. At ang kaaway ng isang tao’y ang kanya na ring kasambahay'” (Mateo 10:36).


Ito ba tayo, na ang kaaway ng Pilipino ay ang kanyang sariling kababayan?


Opo, Panginoon, naririto na sila. Hindi sila iba. Kapatid. Kababayan. Kadugo. Kalahi namin sila.


Subalit, iba sila. Mahilig sila sa pera. Pera, hindi para sa masa kundi para sa mga Maharlika?


Mahilig silang mangulay at magtangi… pulahan, dilawan. Ngunit kayumanggi naman kaming lahat.


Kinukulong, kinakasuhan, binabastos nila ang mga naninindigan at namamahayag tulad nina Leila De Lima at Maria Ressa.


Ipinagmamalaki pa nila ang mga korteng gumagana raw at maaasahan. Kaya’t pananakop daw ang pag-imbestiga ng ICC.


Mahilig silang magsalita, mangako, magpagawa ng mamahaling logo na nagsasabing Mahalin ang Pilipinas. Bago ito! Kami pa ang uutusan nilang magmahal? Hindi maiuutos ang pagmamahal. Ito ay isang biyaya at wagas na pasya.


Sa Inyo galing ang tunay na pagmamahal. Ipinakita N'yo ito sa Inyong pawis at dugo, sa paglilingkod at pagpasan ng krus ng aming kasalanan at karuwagan.


Tulad N'yo Panginoon, kami ay inuusig, kinukulong, pinapahirapan, ninanakawan, niloloko, binebenta, ginagamit at kung maisipan pa ay pinapatay.


Hindi taga-labas ang mga mananakop. Sila’y mga mambabatas; mga hurado at heneral na mga pulis at sundalo; mga matataas, mangangalakal at makapangyarihang hawak at pag-aari ang halos lahat.


Magso-SONA sa Lunes ang Tagapagsalita nila. “Bagong Pilipinas”, ibabandera niya.


Tulad ng Bagong Lipunan ng kanyang ama o ang paboritong salitang “Love” ng kanyang ina, hindi na bago ang Bagong Pilipinas o Love the Philippines. Luma na ang mga multo ng kahapong nagkukubli sa mga mababaw na logo ngayon.


Luma na ang pulitika ng salapi at kapangyarihan. Luma na ang hustisyang nabibili, mga huradong nababayaran. Luma na ang pananakot at pagpatay. Luma na ang pandaraya, luma na ang Comelec na lalong pinaluma ng Smartmatic. Luma na ang pagwasak at pagsalaula sa kalikasan at pagkalakal nito sa mga korporasyong gahaman at dayuhan.


Naririyan ang mga lumang pamilyang kapit-tuko sa puwesto mula baryo hanggang kapitolyo, mula barangay hanggang Malacañang.


Oo, Panginoon, luma na ang pananakop mula sa loob. Ngunit, salamat sa laging buhay, sariwa’t wagas na pagmamahal sa Inang Bayan.


Ang pagmamahal sa Inyo Panginoon at sa aming Inang Bayan ang magtitiyak na laging merong bago at mananatiling bago, tulad ng pamamahayag at pagtatanggol sa katotohanan; paghahanap at pagpapalaganap ng kapayapaan; pagtatanggol sa dangal at karapatan ng bawat tao; pagsulong sa katarungan lalo na para sa maliliit at mahihirap; pagkalinga at pagtatanggol sa kalikasang tinawag ng Papa na tahanan ng lahat; pagkalinga sa mga maliliit, mga batayang sektor at mga kapatid nating katutubo; ang pagtayo at pagtutol sa mga mananakop sa labas at higit sa lahat sa mga mananakop sa loob.


Hindi silang mga taksil at sinungaling ang dapat magsabing mahalin ka Inang Bayan. Tanging ang mga tunay at wagas na magmahal lamang ang may karapatang magsabi nito.


Silang pumili sa gawa higit sa salita. Silang nag-alay ng pawis, dugo at luha, silang mga bayani ang mga tinig ng mga tunay na anak ni Inang Bayan; sila at hindi siya ng mga Maharlika ang aming pakikinggan, at hindi ang "Huwad na Bago" at ang "Malansang Pag-ibig" ng mga mananakop.


Minsan may nagsabing: Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya sa pagkadalisay at pagkadakila gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa? Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala…


Tula ito ng isang tindero ng ratan at pamaypay, isang taong maliit at hamak, ngunit tinanggap niya ang biyaya at siya’y nagpasyang ialay sa Inyo Dakilang Ama at sa Inyo Mahal na Ina, ang bawat patak ng pawis, dugo at luha... Oo, Pilipinas, Aming Ina… Mahal na mahal ka namin.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page