top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Tularan ang sipag at kagandahang-loob ng mga Chinese

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 31, 2022
2 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | January 31, 2022



Kung Hei Fat Choi! Happy New Year! Maligayang Bagong Taon!


Walang bansa ang hindi naabot ng mga Chinese. Walang bansa ang hindi naabot, nakulayan at nahaluan ng mga katangiang Chinese – mula sa pagkain hanggang sa mga pelikula at Feng Shui.


Noong lumalaki ako, madalas akong isama ng aking ama sa Binondo – sa mga bahay o opisina ng mga kliyenteng Chinese na kinukuha ang kanyang serbisyo bilang Certified Public Accountant. Naalala ko ang tikoy na iniuuwi ni Tatay tuwing Chinese New Year, ang lauriat o “kainang walang hanggan” sa Chinese restaurant na umaabot ng halos 20 hanggang 25 putahe ang inihahain nang sunud-sunod, kung saan bisita na mismo ang susuko.


At noong bago pa lang ang karanasan, naaalala ko pa ang masayang paalala ni Tatay na isang maliit na kutsara lang bawat putahe ang aking isubo para matikman ang lahat ng putahe. At naroroon din ang mga paputok o fireworks tuwing Bagong Taon, minana umano natin sa mga Chinese, kung saan naimbento ang pulbura.


Inabutan ko pa noong dekada ‘50s ang mga “bakal bote” na Tsino na nag-iikot sa kalye ng bahay ng aking lola sa Dimasalang. At dalas na rin ako naisama ng aking tatay sa mga burol ng kanyang mga kaibigang Chinese. Katoliko man o hindi, kakaiba ang burol sa kanila dahil sari-saring laruang kotse, pera, pagkain, bahay, atbp. na nakapatong sa kotse, o anumang laruang sasakyang kadalasa’y kulay pula na susunugin sa araw ng libing.


Higit na lumalim ang pag-unawa natin sa mga iba’t ibang sangkap ng kulturang Chinese nang tumira na ako mismo sa China mula 2006 hanggang 2009. Sa Guiyang, sa probinsiya ng Guizhou narinig ko araw-gabi ang himig ng wika at musikang Chinese, gayundin ang amoy ng luto kahit saan. Literal akong nabalot at nababad ng kulturang Chinese mula ulo hanggang paa.


Hindi ko malilimutan ang imahe ng mga babaeng nagbubuhat ng mabibigat na mula bato, semento, bakal at gamit sa paggawa na karaniwang sa kamay lang ng lalaki makikita.


Kahit saan makikita ang mga babaeng manggagawa, drayber ng taksi, truck o traktora. At doon ko nabasa ang mga kaganapan noong Cultural Revolution ni Mao Zedong. Dahil sa pangarap ni Mao na iahon sa kahirapan ang China, sapilitang pinagtrabaho ang lahat – babae man o lalaki.


Noong dumating ako sa China taong 2006, kitang-kita ko ang kabalintunaan ng naturang kaunlaran at kayamanan ng bansa. Napakaraming mahihirap at merong iilang labis na mayaman at lalo pang yumayaman. Sa kabila ng kabalintunaan at kontradiksiyon, tuloy pa rin ang pagkayod at pagsisikap ng maliliit na Chinese, tulad ng maliliit na Pinoy.


Meron kaming kapitbahay na Tsi-Noy. Wala ang kanilang masipag na mga magulang, kaya’t sila na lang na magkakapatid ang naiwanan. Kapag kapos kami ng panggastos, sila ang palagi naming nahihiraman ng pera nang walang interest.


Sipag at kagandahang-loob – napakagandang kombinasyon. Marahil meron akong dugong Chinese dahil ito rin ang itinuro ng aking yumaong ama, “Anak, maging masipag at palaging mabuti sa kapwa.”


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page