top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Panalangin para sa Comelec tungo sa malinis, patas at makabuluhang halalan

BULGAR
Apr 2, 2022
3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | April 2, 2022


Sa darating na araw ng Pambansang Halalan, ika-9 ng Mayo, ang lahat ng mata ay nakatingin sa Commission on Elections o Comelec. Ano kaya ang nakikita ng tao? Ano kaya ang kanilang iniisip? Panatag ba ang loob ng mga tao na gagawin ng Comelec ang kanilang banal na tungkulin at hindi ito magagamit ng mga puwersang may madilim na personal na interes?


Hindi ko talaga alam kung gaano karami ang may tiwala sa Comelec. Bakit hindi gumawa ng survey ang mga kilalang taga-survey tulad ng Social Weather Station o SWS o ng PULSE ASIA tungkol sa pananaw ng karaniwang tao sa Comelec. Mataas kaya o mababa ang tiwala sa naturang institusyon o sangay ng pamahalaan?


Kung mataas ang tiwala, wala tayong anumang dapat alalahanin. Kung mababa, dapat lang alamin kung saan nanggagaling ang kawalan ng tiwala ng tao dahil magkakaroon ito ng mahalagang implikasyon sa resulta ng bilangan pagkatapos ng halalan.


Dahil sa lubhang mahalagang papel ng Comelec, minabuti ng ilang grupo na tumungo noong nakaraang Miyerkules sa pambansang tanggapan ng Comelec sa Intramuros upang magdaos ng prayer rally. Kasama ng mga grupong galing sa ilang pamayanan ng maralitang taga-lungsod ang Kariton ni Maria, Kariton ng Mahirap. Marami na marahil ang hindi nakakakilala sa Kariton ni Maria. Ito po ay isang mahalagang simbolo ng nakaraang panahon ni Erap na nag-ikot upang gisingin, pakilusin at pagpasyahin ang taumbayan laban sa mga anomalyang nagaganap sa panahon ng pagka-pangulo ni Pangulong Joseph Ejercito Estrada.


Bandang ika-10 ng umaga noong nakaraang Miyerkules, tumayo ang nasa isandaang maralitang taga-lungsod kasama ang Kariton ni Maria at ng dalawang pari at sabay-sabay nanalangin sa Mahal na Inang Maria.


Maaalala natin kung paano nagdasal kay Inang Maria si Jaime Cardinal Sin noong ika-22 ng Nobyembre 2000. Isinulat ng mahal na Cardinal Sin ang kanyang panalangin at inilagay ito sa ilalim ng paa ng istatwa ng Mahal na Birhen ng Fatima. Ganundin ang ginawa ng maliit na grupo sa harapan ng Comelec. Nagdasal ang mga maralitang taga-lungsod na kasama ang dalawang pari at inilagay ang nilagdaang panalangin nila sa ilalim ng paa ng istatwa ng Mahal na Birhen ng Fatima. Ito ang kanilang panalangin:


Panalangin kay Inang Maria upang bantayan ang Comelec para sa malinis, patas at makabuluhang halalan:


O, Ina naming Mahal, tuwi po kaming dumudulog sa inyo ay dinidinig ninyo kami at pinupuno ang aming kakulangan sa pamamagitan ng mapagmahal na gawain ng Panginoong Hesu Kristo. Gutom at hirap ang nararamdaman namin ngayon. Hindi po kanais-nais ang pamahalaan ng Pilipinas. Meron pa pong dagundong ng digmaan sa Ukraine na maaaring pagmulan ng World War III. Kailangan po namin ng tibay ng loob para maitawid ang pamilyang Pilipino sa hirap, pighati at tila kawalan ng saysay ng buhay. Mahal naming Ina, sa loob po ng apatnapung araw, eleksyon na.


Marami pong palatandaan na maaaring mawalan ng tiwala ang tao sa Commission on Elections. Ang halalan sa ika-siyam ng Mayo po sana ang maglulunsad sa bagong Pilipinas, at matatapos ang yugto ng kahirapan na aming dinaranas. Ngunit paano pong mangyayari ito kung tila hindi patas ang pananaw ng Comelec sa mga magtutunggali?


Ina naming mahal, samahan po ninyo kami sa susunod na apatnapung araw para hingin sa Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo na bantayan ang Comelec at panatilihin itong ligtas sa anumang anomalya. Sa halip puspusin po ng katotohanan at katapatan ang lahat ng kawani ng Comelec mula sa mga commissioners hanggang sa pinakahuling kawani nito. Nawa, bumuti po ang kalagayan namin alang-alang sa mga biyuda, ulila, walang kapangyarihan, at ng mga taga-laylayan ng lipunan. Amen.


Pagkatapos ng panalangin, hinatid ng grupo ng dalawang maralitang taga-lungsod at ng dalawang pari ang kopya ng Panalangin Kay Maria sampu ng liham na hinihingi ang tapat at matapang na pagbabantay ng proseso ng halalan mula presinto hanggang sa iba’t ibang sangay kung saan ang mga nalikom na boto ay bibilangin hanggang sa mabuo ang kabuuan ng lahat ng mga boto na siyang magtatanghal sa mga nanalo. Hindi bumaba ang sinumang commissioner. Sa halip tinanggap ito ng isang kawani ng tanggapan ng Comelec Chairman Saidamen Pangarungan.


Nagsimula na ang lingguhan, tuwing Miyerkules na panalangin kay Maria para sa Comelec.


O mahal na Inang Maria, dinggin po ninyo kami.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page