top of page
Search
  • BULGAR

Panahon ng pandemya, panahon din ng adiksiyon sa social media, trolls at fake news!

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan | September 26, 2020



Reklamo at tanong ng maraming magulang, “Paano kaya namin madidisiplina ang aming anak sa paggamit ng gadget at internet?”


Hindi simple ang tanong ng mga magulang. Maraming magulang ang seryosong nababahala sa labis na pagka-adik ng kanilang anak sa gadget.


Marami tayong nadalaw na bahay at nakita ang sitwasyon ng mga ito pagdating sa tama at maling paggamit ng gadget at internet.


Isang karaniwang halimbawa, hindi mo halos makausap ang mga bata dahil bawat isa ay may hawak ng cellphone at todong nakatutok dito. Minsan, kumpleto na ang trahedya dahil pati ang mga magulang ay hindi na rin nakikipag-usap dahil nakatutok din sa kanilang gadget. Samakatwid, hindi lang ito problema ng kabataan kundi problema ng maraming pamilya.


Maraming ang tutok sa iba’t ibang computer o mobile games, meron ding adik sa social media platforms at nariyan din ang mga suki ng gambling websites at dating sites, at marami pang iba.


Ano ang nangyari sa nagdaang anim na buwan hanggang sa kasalukuyan? Napakaraming libreng panahon para sa buong pamilya sa bahay. Gintong pagkakataon sana na matutong gamitin nang tama ang internet, sa halip na ang internet ang gumamit o umalipin sa atin.


Samantala, kung paano naipanalo ng Facebook ang maraming kandidato noong nakaraang halalan 2016, tila ngayon ay nagsisimula na naman itong gamitin para sa nalalapit na eleksiyon. Kaya’t ngayon pa lamang, maaaring gamitin ang social media upang pasikatin ang kandidato at siraan naman ang iba.


Noong Martes, ika-22 ng Setyembre 2020, tinanggal ng Facebook ang mahigit 100 na pekeng domestic accounts na may kaugnayan sa PNP at AFP, na tumutugis sa mga aktibista at disidente. Tinanggal din nito ang mahigit sa 150 accounts na sumusuporta sa Pangulo at sa “pagtakbo” ng anak nito bilang pangulo sa 2022.


Ayon sa Facebook, ipinamalas ng mga ito ang “Coordinated Inauthentic Behavior” o CIB.

Ito ang tahasang pagtutulungan ng iba’t ibang indibidwal sa pagpapalaganap ng mga balita o impormasyon na walang katotohanan upang makapanira lamang.


Madaling itanggi ng pamahalaan ang maling paggamit sa Social Media. Subalit, malinaw sa karanasan ng marami kung paano manira ang mga trolls na patuloy na nagpapalaganap at nagpapalakas sa Coordinated Inauthentic Behavior.


Sa mga magulang na inaalalayan ang kanilang anak sa pagsuong ng mga ito sa remote, blended learning, napakahalagang tutukan at tulungan ninyong matutuhan ng mga ito ang tamang paggamit ng gadget. Napakahalagang ituro ang etika sa social media. Napakahalagang ituro ang disiplina o pagkontrol ng sarili sa adiksiyon sa gadgets at internet.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page