Panahon na para ibalik ang face-to-face classes
- BULGAR
- Sep 21, 2021
- 2 min read
ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | September 21, 2021
Matinding pinsala ang idudulot sa mga mag-aaral pati na sa kaunlaran ng ating bansa kung magkakaroon ng isa pang taon ng pagsasara ng mga paaralan dahil sa pandemya ng COVID-19.
Kaya naman, ating binibigyang-diin ang kahalagahan na masimulan na ang pilot test ng localized at limited face-to-face classes sa mga low-risk areas. Una nang inanunsiyo ng Department of Education (DepEd) at Department of Health (DOH) na 120 paaralan ang lalahok sa panukalang pilot test ng face-to-face classes. Kasabay nito ang pagbuo ng joint guidelines para matiyak ang ligtas at unti-unting pagbabalik ng face-to-face classes.
Noong 2019, nang bago pa tumama ang pandemya, ang learning poverty sa bansa ay tinatayang nasa halos 70 porsiyento, ayon sa World Bank. Ang learning poverty ay porsiyento ng mga 10-taong gulang na hindi makapagbasa at makaunawa ng simpleng istorya. Dahil sa isang taong pagsasara ng mga paaralan, inaasahang maaari pang lumala ang learning poverty sa bansa ayon sa mga eksperto.
Base rin sa pagsusuri ng World Bank ng learning losses o ang pag-urong ng kaalaman, maaaring bumaba ang Learning-Adjusted Years of Schooling (LAYS) ng mahigit isa hanggang halos dalawang (1.4 hanggang 1.7) taon. Ang dating halos walong taong katumbas ng pag-aaral ay maaaring bumaba sa humigit-kumulang anim na taon (5.7 hanggang 6.1) na lamang. Ibig sabihin, ang kalidad ng pag-aaral para sa 12 basic education ay magiging katumbas na lamang ng humigit-kumulang anim na taon (5.7 hanggang 6.1).
Babala pa nga ng World Bank, maaaring maapektuhan ang competitiveness ng buong bansa. Ito ay dahil posibleng mabawasan ang maaaring maging kita ng mga kabataan kapag sila ay naghahanapbuhay na.
Ngunit, dapat tiyakin ang kahandaan ng mga paaralang ipatupad ang mga public health protocols, kabilang ang pagkakaroon ng sapat na pasilidad para sa water, sanitation, and hygiene o WASH. Dahil sa pagkalat ng mas nakakahawang Delta variant, dapat mabakunahan na ang mga guro at mag-aaral, lalo na ang mga nasa edad na 12 hanggang 17.
Nito lamang unang bahagi ng taon, isinulong ng inyong lingkod ang Adopted Resolution No. 92 ng Senado, kung saan inirekomenda ng naturang resolusyon ang agarang paglunsad ng pilot testing ng localized limited face-to-face classes sa mga low-risk areas.
Maraming magulang ang hirap, at ang pinakanakalulungkot ay maraming bata ang apektado at hindi gaanong natututo. Kaya naman, dapat sa lalong madaling panahon ay bumalik na tayo sa face-to-face classes dahil hindi na natin kaya ang isa pang taon na walang face-to-face classes.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com




Comments