Panahon na ba para ibalik ang bitay?
@Editorial | March 14, 2023
Halos araw-araw ay may nagaganap na karumal-dumal na krimen.
Walang pinipiling oras, lugar at biktima, walang kinikilalang batas.
Talamak ang kidnapping, rape, drugs at patayan.
Hindi lang sa labas nangyayari ang krimen kundi maging sa loob mismo ng tahanan, lugar na inaasahan sana nating pinakaligtas para sa lahat.
Kamakailan, apat na magkakapatid ang pinatay ng kanilang amain. Kasunod nito, isang babae naman ang pinagsasaksak at napatay ng kanyang kinakasama.
Isa sa tinutukoy na dahilan, ilegal na droga.
Kapansin-pansin na bumabaha na naman ng drugs at hindi pa rin nawawala ang mga protektor at mismong mga alagad ng batas na ang sangkot sa ilegal na kalakaran.
Ilang buhay pa kaya ang malalagay sa panganib o basta na lang masasayang dahil sa salot na droga?
'Di kaya panahon na para ibalik ang bitay?
May mga naniniwala na bitay lang ang tugon para mabawasan ang krimen sa bansa.
May pag-aaral na rin umano sa ibang bansa na ang pagkakaroon ng death penalty ay nakatutulong sa mga naitatalang kaso ng krimen.
Gayunman, hindi maitatanggi na may isyu pagdating sa hustisya sa ating bansa. Bukod sa mabagal, may mga pagkakataon na pumapabor talaga sa mayayaman at makapangyarihan sa lipunan.
Masasabing mahaba at malawak na usapin pa rin ang balik-bitay. Sa ngayon, umaasa tayo na hindi tumitigil ang gobyerno sa pagbibigay ng agarang hustisya sa mga biktima ng krimen.
Bilang mamamayan, magtulungan din sana ang lahat na labanan ang mga kriminal. Simulan natin ito sa ating sarili sa pamamagitan ng pag-iwas sa masama, ganundin ang pagbabantay sa ating mga anak, sa ating pamilya. Huwag nating hayaan na maging lantad tayo sa pang-aabuso at iba pang ilegal na gawain.
Sikapin nating magkaroon ng maayos at mapayapang pamumuhay ang bawat isa.



Comments