top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Pampublikong transportasyon sa NCR, ‘di pa handa sa mas maraming komyuter

BULGAR
Jul 13, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | July 13, 2022


Hindi pa handa ang pampublikong transportasyon sa National Capital Region (NCR) sa oras na ipatupad ang resumption ng 100% face-to-face classes.


Ito ang babala ng transport advocacy group network pagdating sa sitwasyon ng pampublikong transportasyon matapos ilahad ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang plano ng Department of Education (DepEd) sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte na dahan-dahanin ang face-to-face classes mula Setyembre hanggang maging 100% pagsapit ng Nobyembre.


Bagama’t nauunawaan umano ng grupo na nais ng maraming sektor na maibalik ang face-to-face classes, hindi naman dapat isawalambahala ng gobyerno ang karagdagang demand sa public transport system. Kaya naninindigan ang grupo na kailangang masolusyunan ito upang matagumpay na maibalik ang in-person classes.


Sa kasalukuyan, nagpapatupad ng libreng sakay ang pamahalaan sa EDSA Carousel, MRT-3, LRT-2 at PNR para sa mga estudyante.


Unang sinabi ng grupo na ‘welcome development’ ang ‘Libreng Sakay’ program ng gobyerno, maliit umano ang nagagawa nito upang masolusyunan ang kumplikadong problema ng NCR pagdating sa transportasyon.


Dahil dito, iminumungkahi na gamitin ang pondo ng gobyerno upang maayos ang pampublikong transportasyon sa pagpapaiksi ng biyahe at paghihintay sa mga sakayan upang mapadali ang pagkokomyut.


Ilang buwan nang problema ng maraming komyuter ang iba’t ibang hamon sa pagbiyahe. Kabilang na r’yan ang mahabang pila sa mga terminal, kakulangan ng mga pampublikong sasakyan at mas mahal na pamasahe.


Matagal nang humihiling ng makatotohanan at pangmatagalang solusyon ang mga komyuter sa usaping ito. Kaya pakiusap sa mga kinauukulan, bilis-bilisan ang pagtugon sa mga problema sa sektor ng transportasyon.


Batid nating dadami pa ang mga komyuter ‘pag nagsimula na ang implementasyon ng 100% face-to-face classes, kaya sana ay masolusyunan ito sa lalong madaling panahon.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page