Pampi, oks nang pakasalan si Iwa… JODI, BAWAL PA RING IKASAL KAY RAYMART NA 'DI PA ANNULLED KAY CLAUDINE

ni Ambet Nabus @Let's See | June 11, 2024

Pinag-uusapan nga ang pagkakaroon ng finality sa annulment case nina Jodi Sta. Maria at Pampi Lacson.
After 13 years ay na-grant na ito ng korte kaya’t kapwa malaya na ang dalawa sa mga future plans nila sa kanilang respective partners sa ngayon.
With Pampi, wala na sigurong isyu kung very soon naman ay magpakasal na sila ni Iwa Moto, na matagal na rin niyang kinakasama.
Si Jodi lang ang medyo kailangang maghintay dahil hindi pa rin annulled ang kasal ng partner niyang si Raymart Santiago sa dati nitong asawa na si Claudine Barretto.
Maganda ring regalo ito para kay Jodi na soon ay muling magpapakilala ng bago niyang karakter sa teleserye na Lavender Fields kasama sina Jericho Rosales at Janine Gutierrez.
NASABI na namin ito nang ianunsiyo nga natin ang balitang pagpapakasal nila, pero we still want to congratulate Charlie Dizon, dahil naging very fitting gift nga ang Urian Best Actress award sa kasal niya kay Carlo Aquino.
Although kapwa sila nominated as lead actors sa Third World Romance, si Charlie lang ang pinalad na magwagi. Si Romnick Sarmenta kasi for another movie ang nag-uwi ng Best Actor award.
Anyway, nagulat naman kami sa reaksiyon ng ilang fans ni Kathryn Bernardo (true kayang mga fans sila ni Kath?) dahil parang imbes na maging masaya sila para kay Charlie na laking-ABS-CBN din ay parang kinukuwestiyon nila ang victory nito?
May mga nagpapasaring na dapat daw ay si Kath ang nanalo dahil hindi naman kumita ang movie ni Charlie.
Napa-"Huh?" na lang talaga kami dahil noong manalo rin si Nadine Lustre sa Urian, may mga nagtataray na Kathryn fans (daw?). Hay, naku!
Sabi nga ni Kuya Kim Atienza, "Weather-weather lang ‘yan." Darating din ang time ni Kath para sa Urian.
The fact na sineryoso ng Manunuri ang performance niya sa A Very Good Girl kung saan nakakuha siya ng nominasyon ay sapat nang pruweba na mahusay na aktres din si Kathryn Bernardo.
Sadya lang sigurong hindi pa niya time kaya tigilan na ang pagmamaasim, 'noh!
SPEAKING of the said kasalan nina Carlo at Charlie, marami rin ang nagpahatid ng mensahe kay Trina Candaza, ang dating kinakasama ng aktor at may anak sila.
Pinag-usapan din kasi ang naging post nito sa socmed (social media) na tila may ibig sabihin.
Well, matagal naman na silang hiwalay at kahit pa nga hindi ‘yun naging ganu’n kaayos, balita rin namang hindi tinalikuran ni Carlo ang obligasyon sa anak kay Trina.
Medyo mararamdaman lang talaga sa post ni Trina na tila may pait at sakit pa ito, kaya may mga reaksiyon pang pabor sa ‘ex’ ang mga netizens na nakaalam ng naging relasyon nila.
MAY simpleng tanong lang ang ibang nauumay na sa Kim Chiu-Xian Lim item.
Kung wala raw bang ipino-promote na movie si Xian ay maglilitanya ito ng pakiusap sa naging relasyon nila ni Kim?
Ganting tanong naman ng maraming iba pa, kung hindi raw ba ginamit din naman nina Kim at Paulo Avelino ang sitwayon ng tandem nila para pag-usapan din ang mga projects/ganap nila?
Paramihan ng tanong at pakiusap ito? Hahaha!





Comments