Pamimigay ng pera sa kampanya lantaran na, Comelec wala pa ring aksyon?!
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | March 27, 2022
MAY MGA PDP-LABAN AT NUP MEMBERS NA KAMPI KAY BBM, MERON DING MGA KAMPI KAY LENI — Magkasunod na inendorso ng mga political party na PDP-Laban at NUP (National Unit Party) ang kandidatura ni presidential candidate, former Sen. Bongbong Marcos, pero ang masaklap, hindi masu-solid ni BBM (Bongbong Marcos) ang buong pwersa ng dalawang partidong ito dahil may mga gobernador, mayor at congressman na kasapi ng mga political party na ito na ayaw kay Marcos, at ang gusto ay si presidential candidate Vice Pres. Leni Robredo.
Kakaiba talaga ang 2022 presidential election, kasi ang magkakapartido ngayon ay naglalaban-laban na rin kasi may kanya-kanya silang bet sa pagka-pangulo, boom!
◘◘◘
KARAMIHAN SA MGA KANDIDATONG UNOPPOSED MAPERA KAYA WALANG LUMALABAN — Sa tala ng Comelec, 845 kandidato sa local positions ang sure win na dahil walang kalaban o unopposed.
Sa totoo lang, hindi naman magaling sa serbisyo-publiko ang ilan sa mga kandidatong unopposed, kasi kaya lang walang naglakas-loob na lumaban sa kanila ay dahil sobrang dami ng kanilang perang panggastos sa halalan, ganun 'yun, period!
◘◘◘
COMELEC NG 'PINAS, WALANG KWENTA — May mga insidente ng pamimigay ng pera sa mga political rally ng mga kandidato, pero ang masaklap, ayaw itong aksyunan ng Comelec.
Ang gusto ng Comelec ay may magreklamo at saka sila aaksyon.
Ganyan kawalang-kwenta ang Comelec ng 'Pinas, buset!
◘◘◘
MAS KAPANI-PANIWALA ANG SINABI NI ALVAREZ KAYSA SINABI NI LACSON — Sabi ni Partido Reporma Pres. Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez na kaya si VP Leni na ang sinuportahan ng kanilang partido, ay dahil mahinang kandidato raw si presidential candidate Sen. Ping Lacson, pero ayon sa senador, kaya raw lumipat kay VP Leni si Alvarez ay dahil hindi raw niya naibigay dito ang hinihingi nitong P800 milyon campaign funds para pangpondo sa mga kandidato nila sa local positions?
Sa totoo lang, mas kapani-paniwala ang sinabi ni Alvarez kaysa kay Lacson, kasi parang wala namang ganung (P800M) pondo ang Partido Reporma, at ikalawa, totoong mahinang kandidato si Ping dahil laging bagsak ang rating nito sa mga survey, period!





Comments