top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Pamimigay ng pamasko, ‘wag sanang mahaluan ng pulitika

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 27, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | November 27, 2023


Puno ng ngiti ang makikita sa mga mukha ng mahigit 17,000 bata mula sa mga piling shelter at orphan care center sa buong bansa dahil sa natanggap nilang mga regalo mula sa Malacañang, kahapon.


Ang nationwide gift-giving event na tinawag na “Balik Sigla, Bigay Saya” ay pinasimulan ng Office of the President sa pamamagitan ng Social Secretary’s Office.


Nagtulung-tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), kasama ang ilang private partners upang maisaayos ang simultaneous event sa mahigit 250 lokasyon sa buong bansa.


Kabilang sa pinakamalaking kalahok na centers ay ang Cebu Technological University na may 449 mga bata at ang University of Mindanao, Matina Campus sa Davao del Sur na may 600 mga bata. Habang sa National Capital Region, nasa 1,120 mga batang recipients.


Ang naturang gift-giving ay ginawa sa Kalayaan Grounds sa Malacañang na pinangunahan nina

Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Unang Ginang Liza Araneta-Marcos.


Pinasalamatan naman ng Pangulo ang mga magulang at guardians ng mga bata, at sinabing sila ang pinakamamahal na sektor dahil sila ang kinabukasan ng ating bansa.


Mainam ang ginawa ng kinauukulan na pagbibigay ng maagang pamasko para sa mga bata maging sa mga nasa orphanage.


Hindi kasi matatawaran ang lubos nilang kaligayahan na nadarama lalo na kapag sila ay nakatanggap ng mga regalo.


Marahil, masaya rin ang mga magulang na kasama ng mga bata dahil sa kabila ng kanilang kahirapan ay nakikita nila ang pagpapahalaga sa kanila.


Hiling lang natin na sana magpatuloy ang ganitong programa, bukal at taos sa puso ng kinauukulan ang pagtulong, pagsuporta at pagbibigay sa ating mga kababayan at huwag din sanang mahaluan ng pulitika.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page