top of page
Search
  • BULGAR

Pamimigay ng P500 ayuda, dapat walang aberya

ni Ryan Sison - @Boses | July 1, 2022


Kahapon sinimulan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng P500 monthly subsidy para sa mahihirap na pamilya.


Ang naturang ayuda ay tulong ng gobyerno mula sa epekto ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo, gayundin ang mga bilihin.


Base sa guidelines ng joint memorandum circular No. 1 series of 2022, magbibigay ng cash grants ang DSWD na nagkakahalagang P3,000 o P500 kada buwan sa loob ng anim na buwan para sa humigit-kumulang 12.4 milyong household beneficiaries.


Gayunman, sa ilalim ng Targeted cash Transfer program (TCT), nasa 1.2 milyong benepisaryo na mayroong existing cash cards ang makakatanggap ng unang tranche ng naturang cash aid na nagkakahalaga ng P1,000 o dalawang buwang halaga ng subsidiya.

Samantala, kabilang sa mga benepisaryo ang 4 milyong household na kasapi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), 6 milyong non-4Ps household at individuals na dating benepisaryo ng Unconditional Cash Transfer Program of 2018 hanggang 2020 sa ilalim ng Task Reform for Acceleration and Inclusion Law, gayundin ang mga beneficiaries ng Social Pension Program.


Gayunman, ipapamahagi ang cash subsidy sa pamamagitan ng cash cards at sa ilang bangko, electronic money issuers, o remittance centers.


Magandang balita na nagsimula nang ipamahagi ang subsidiya. Malaking tulong kasi ito sa mga benepisaryo, lalo pa’t muling tumaas ang pamasahe, gayundin ang presyo ng mga bilihin.


Hiling lang natin sa mga kinauukulan, sana’y maging mabilis at tuloy-tuloy na ang pamamahagi ng ayuda, kumbaga, dapat walang aberya.


At tulad ng paulit-ulit nating panawagan, sana’y kasunod na ng ayuda ang pangmatagalang solusyon sa mga problemang kinakaharap ng bansa.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page