top of page
Search
  • BULGAR

Pambu-bully ng China sa WPS, dapat mas tutukan

ni Ryan Sison @Boses | October 24, 2023


Ayaw pa rin talaga tayo tigilan at pilit na hinahamon ng China ang Pilipinas dahil may insidente na namang nangyari nitong Linggo sa Ayungin Shoal.


Kaya naman inatasan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Philippine Coast Guard (PCG) na magsagawa ng imbestigasyon sa pinakabagong insidente sa West Philippine Sea (WPS) kung saan isang barko ng China Coast Guard (CCG) ang nabangga sa resupply boat ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.


Ayon sa Presidential Communications Office (PCO) kahapon, nagpatawag si P-BBM ng isang command conference para talakayin ang pinakabagong paglabag ng China sa resource-rich region.


Anang PCO, inutusan ng Pangulo ang PCG na magsagawa ng imbestigasyon, batay sa mandato ng international maritime laws, patungkol sa insidente na nangyari sa RORE mission sa Ayungin Shoal ng mga barko ng CCG.


Sinabi ng mga opisyal, na nangyari ang banggaan nitong Linggo, habang ang dalawang supply boat ng Pilipinas na sinamahan ng dalawang PCG vessel, ay patungo sa Ayungin Shoal upang maghatid ng pagkain at iba pang supply sa grounded Philippine warship na BRP Sierra Madre.


Ang Pilipinas ay nagpapanatili ng isang maliit na navy personnel sa BRP Sierra Madre upang bantayan ang shoal, na matatagpuan sa layong 105.77 nautical miles mula sa pinakamalapit na lalawigan ng Palawan sa Pilipinas at bahagi ng 200-nautical mile exclusive economic zone (EEZ) at continental shelf ng bansa na ibinigay sa ilalim ng United Nations convention.


Ayon kay National Security Adviser Eduardo M. Año, hindi tayo mapipigilan at patuloy na magsusuplay ang mga tropa sa BRP Sierra Madre sa kabila ng mga probokasyon ng China.


Itinanggi naman ng China ang mga paratang sa kanila, at sinabing ang supply vessel ay “nakapasok” sa karagatan ng China “nang walang awtorisasyon” sa kabila ng paulit-ulit na radio warnings para umalis.


Ang panibagong insidente na nangyari sa WPS ay nagdulot na naman ng panibagong panganib sa mga mamamayan at sa Philippine Coast Guard na maghahatid lamang ng supply sa Ayungin Shoal.


Ilegal na maituturing ang ginagawang ito ng China, kung saan ang walang ingat na pagmaniobra ng mga sasakyang pandagat ng China Coast Guard ay nagdulot ng pinsala sa sasakyang pandagat ng bansa sa loob ng ating exclusive economic zone.


At kahit ano pang pambu-bully na kanilang gawin, batid ng mga kababayan na hindi tayo mapipigilan sa pagsusumikap natin sa WPS sa kabila ng mga insidente ng banggaan sa China.


Marahil, nais lang talagang inisin at galitin tayo nang husto ng China kaya pilit na hinahamon sa atin mismong teritoryo.


Sa kinauukulan, tama lang na tinututukan ang isyung ito, habang mayroong masinsinang pakikipag-usap at pagpapatawag ng bansa sa Chinese convoy para matigil na ang ginagawang pag-provoke ng China sa Pilipinas.


Dasal natin na matapos na ang usaping ito upang makapamuhay na rin ang bawat isa nang mapayapa.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page