Pambawi sa namatay na player… 6 NA KAPATID NI RENE, GAGAWIN NANG ISKOLAR NG ATENEO
- BULGAR

- 7 hours ago
- 2 min read
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | June 15, 2026

Photo: Rene Baterbonia - Circulated
Trending ang panawagan ng mga netizens sa management ng Ateneo de Manila University (ADMU) na bigyan ng scholarship ang anim na kapatid ng namayapang basketbolistang si Rene Baterbonia dahil nalunod ito sa isinagawang team-building activity sa Aurora, Quezon noong Hunyo 8, 2026.
Punumpuno ng pangarap si Rene, 19-anyos, para sa pamilya na maiahon sila sa hirap, mapag-aral ang anim na kapatid, mapagawan ng magandang bahay ang pamilya at mabigyan sila ng pangkabuhayan.
Nagsabi nga raw siya sa kanyang coach na hindi siya babalik ng Agusan del Sur nang limang taon dahil gusto niyang makapag-ipon para sa pangarap ng pamilya, pero nawala ang lahat ng iyon dahil sa isang aksidente.
Kaya ang sigaw ng mga netizens, bukod sa pag-aralin ng ADMU ang mga kapatid ay bigyan din ng bahay at pangkabuhayan ang naiwang pamilya ni Baterbonia.
At mukhang matutupad ang scholarship ng 6 na kapatid ng yumao dahil ayon mismo kay Father Karel San Juan ng Ateneo de Davao University, pag-aaralin nang libre ang anim na kapatid.
Sa misa sa burol ni Rene kahapon, Hunyo 13, ibinalita ito ni Fr. San Juan.
Aniya, “Isa sa mga pangarap po ni Bobet (tawag kay Rene) ay matutupad. ‘Yung pangarap na nagdala po sa kanya sa Maynila at iwan ang kanyang pamilya dito sa Davao. Ang pangarap n’ya na ang kanyang anim na mga kapatid ay bibigyan po ng Ateneo de Davao University ng scholarship.”
Nag-alok din daw ang Xavier University–Ateneo de Cagayan ng scholarship sa mga kapatid ni Rene pero mas gusto raw ng mama niyang mas malapit sa bahay nila mag-aral ang mga anak nito.
“Handa rin po tumulong ‘yung ibang Ateneo tulad ng Xavier University sa Cagayan de Oro, pero sabi po ni Mama, ‘Dito na lang po sa Davao, malapit po sa Agusan,’” pagbabalita ni Fr. San Juan.
Bukod kay Rene ay nasawi rin ang Nigerian national na si Divine Adili.
Sa kasalukuyan ay patuloy pa ring nananawagan ng hustisya ang pamilya nina Rene at Divine.
BLIND ITEM:
LUKANG-LUKA ang co-star ng aktres nang mag-spray siya ng pamatay ng lamok at langaw sa location kung saan may mga lumilipad-lipad na insekto.
Malayo ang standby area sa location ng shooting ng pelikula kaya naghintay na lang ang ilang artista sa set dahil kukunan na sila.
Nagulat na lang sila nang walang kaabug-abog na nag-spray ng pamatay ng lamok at langaw ang aktres na hindi man lang nagpaalam muna para makalayo sana ang kanyang mga co-actors.
Nang matapos mag-spray at makitang nagtakip ng mukha ang kanyang mga co-actors ay saka lang niya naalalang humingi ng dispensa dahil marami ngang langaw sa lugar.
Bagama’t may dalawang utilities na taga-bugaw naman ng mga langaw ay hindi kuntento ang aktres kaya siya na mismo ang gumawa ng paraan.
‘Yun nga lang, hindi nito naisip na masama sa katawan ang kanyang ipinang-spray.
Ang mga co-actors ng aktres ay pasimpleng nagtayuan at nagsabi sa staff ng production na babalik na lang muna sila sa standby area at tawagin na lang ulit kapag kukunan na.
In fairness, naiwan ang aktres sa location at mega-tsika siya sa mga nanonood ng shooting.





Comments