Pambato ng WNBL 3x3 lalarga sa ABL Cup
ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 7, 2022

Haharap sa bagong hamon ang Uratex Dream ng Women’s National Basketball League (WNBL) 3x3 sa ASEAN Basketball League (ABL) International Champions Cup ngayong Abril 16 at 17 sa Bali, Indonesia. Makakatapat nila ng limang iba pang kalahok na pinaghalong mga pambansang koponan at pro club.
Pangungunahan ang Dream ni Alyssa Villamor na kamakailan ay umakyat bilang numero unong manlalaro ng bansa ayon sa pinakabagong FIBA 3x3 World Ranking. Ang kanyang mga kakampi ay sina Kaye Pingol, Tina Deacon at Angelica Anies na lahat ay kabilang sa Top 5 manlalaro ng Pilipinas. Ang kanilang mga makakalaro ay mga pambansang koponan ng Vietnam, Singapore at Indonesia na naghahanda para sa 31st SEA Games sa susunod na buwan. Ang iba ang kasali ay ang Jumpshot ng Singapore at YKBK ng India.
Nagkampeon ang Uratex Dream sa unang dalawang yugto ng kasalukuyang WNBL 3x3 noong Disyembre sa San Fernando, Pampanga at Pebrero sa Muntinlupa City. Kamakailan ay naagaw ang korona sa kanila ng Taguig Lady Generals sa ikatlong yugto noong Abril 2 sa Balagtas, Bulacan sabay putol sa kanilang 17 sunod-sunod na panalo buhat noong nagsimula ang palaro.





Comments