Pamasahe sa pagluwas ng kasambahay
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 27, 2022
Dear Chief Acosta,
Ako ay nag-apply bilang kasambahay na madedestino sa Maynila. Kung sakaling ako'y matanggap sa nasabing trabaho, sasagutin ba ng aking amo ang magiging pamasahe ko mula probinsya? - Inday
Dear Inday,
Para sa iyong kaalaman, alinsunod sa Republic Act No. 10361 na kilala bilang “Domestic Workers Act” o “Batas Kasambahay,” kailangang mayroong kontrata sa pagitan ng kasambahay at ng kanyang employer bago magsimula ang pamamasukan. Kabilang sa mga dapat laman ng kontrata ay ang kasunduan tungkol sa deployment expenses o gastusin sa pagbiyahe ng kasambahay papunta sa kanyang lugar ng trabaho. (Sec. 11)
Kaugnay nito, inilalahad ng Section 3 ng Rule II ng Implementing Rules and Regulations of Republic Act No. 10361 na:
“RULE II
HIRING OF KASAMBAHAY
“SECTION 3. Deployment Expenses. – The employer, whether the Kasambahay is hired directly or through a PEA, shall pay the expenses directly used for his/her transfer from place of origin to the place of work.
The employer may recover deployment costs from the Kasambahay whenever the employment relationship is terminated within six (6) months without just cause.” (Binigyang-diin)
Ayon sa mga nabanggit sa itaas, ang employer ang dapat magbayad ng mga gastos na direktang gagamitin para sa transportasyon ng kasambahay mula sa pinanggalingan patungo sa lugar ng trabaho.
Gayunman, maaaring mabawi ng iyong amo ang nasabing gastos kung ang iyong pamamasukan ay matatapos sa loob lamang ng anim na buwan nang walang makatarungang dahilan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments