top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Pamamahagi ng food supply sa mga apektado ng granular lockdown, dapat walang aberya

  • BULGAR
  • Sep 16, 2021
  • 2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | September 16, 2021


Sa halip na perang ayuda, food supplies ang matatanggap ng mga residenteng nakatira sa mga lugar na isasailalim sa granular lockdowns sa Metro Manila.


Ito ang tiniyak ng Malacañang, kung saan ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, ang pamamahagi ng suplay ng pagkain ay magkatuwang na responsibilidad ng mga local government units (LGUs) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).


Gayunman, nilinaw ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benjamin Abalos, Jr. na ang LGU at DSWD ay maghahati sa dalawang linggong granular lockdown kung saan ang LGU ang mamamahagi ng food packs sa unang linggo habang ang DSWD naman sa ikalawang linggo.


Matatandaang nasa 2,000 hanggang 3,000 pamilya ang isasailalim sa lockdown sa Metro Manila sa gagawing pagpapatupad ng bagong quarantine classification kung saan magkakaroon ng alert level.


Habang ang Department of Health (DOH) ang magdedeklara kung ano’ng mga lugar ang isasailalim sa Alert Levels one hanggang four, ang IATF naman ang magdedeklara ng Alert Level 5 o ang pinakamahigpit sa alert levels.


Tulad ng sinasabi natin, ang pagpapatupad ng panibagong polisiya ay may kaakibat na panibagong adjustment para sa lahat.


Pero sana, hindi maging hadlang ang mga pagbabagong ito upang maitawid ang mga tulong na kailangan ng mga apektadong residente.


Hindi biro para sa mga ordinaryong mamamayan ang dalawang linggong granular lockdown dahil ibig sabihin, walang kayod at walang pantustos sa mga pangangailangan.


Kaya pakiusap sa mga ahensiyang resnponsable sa distribusyon ng suplay ng pagkain, sana lang ay maging maayos ang pamamahagi at maiwasan ang aberya.


Dahil mas maliit na lugar ang sakop ng granular lockdown, dapat mas mabilis ang bigayan ng ayuda, lalo pa’t pagkain ang nakatakdang ipamahagi.


Kung maisasagawa nang maayos ang mga planong ito, mas malaki ang tsansa na maging epektibo ang mga bagong polisiya. Kaya hangad nating plantsado at handang-handa na ang mga ahensiyang magsasagawa ng mga hakbang na ito.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page