top of page
Search
  • BULGAR

Pamamaalam sa beteranong mambabatas, hari ng agimat at mapagpamahal na ama

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 3, 2020


Matapos ang ilang araw na burol ng aking ama ay inihatid na namin siya sa kanyang hantungan kasama ang buo naming pamilya, ilang malalapit na kaibigan at marami pa ang nais makipaglibing ngunit limitado lamang ang lahat dahil sa ating sitwasyon.


Simula nang pumanaw ang aking ama, isang linggo na ang nakararaan ay lugmok na lugmok ang aming pakiramdam hanggang sa pinakahuling sandali bago siya inilibing sa Angelus Eternal Garden sa Imus, Cavite.


Sinunod namin ang kanyang kahilingan na itabi ang kanyang labi sa puntod ng namayapa naming ina na si Azucena Mortel Bautista at muli ay ipagpatuloy ang kanilang pagmamahalan.


Malaki ang magiging pagbabago sa aking buhay at maging ang aking routine araw-araw na dinadalaw ko siya bago ako magtungo ng Senado o kaya ay bago ako umuwi ng bahay upang tiyakin na maayos ang kalagayan ng aking ama.


Sa edad na 93, ay pumanaw na si Ramon Revilla, Sr. ang ama na ipinamana sa akin ang kanyang pangalan na kahit kailan ay hindi nagkaroon ng bahid na paulit-ulit niyang inihahabilin na pakaiingatan kong mabuti.


Noong nakaraang Miyerkules ay pinarangalan ng Senado ang aking ama, sa isang napakataimtim na necrological rites ay ginunita ang kanyang buhay at serbisyo sa institusyon bilang beteranong mambabatas.


Sa pangunguna ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III, kabilang ang mga incumbent senators ay naglatag sila ng Resolution No. 459 na nagpapahayag ng malalim na simpatya at sinserong pakikiramay sa aking ama na dati ring Senador.


Kaya walang pagsidlan ang aking pasasalamat, sampu ng aking pamilya na dumalo sa naturang pagtitipon at hindi namin ito makakalimutan habang kami ay nabubuhay.

Sa mga hindi nakakaalam, ang aking ama ay pangalawa sa may pinakamataas na boto noong 1992 senatorial elections at may akda ng mga landmarks laws hanggang sa natapos nito ang kanyang termino noong 2004.


Ang aking ama ang may akda ng “Revilla Law” na nagbibigay ng karapatan sa mga illegitimate children na gamitin ang apelyido ng kanilang ama basta nagbigay lamang ng pagsang-ayon sa kanilang birth certificate.


Siya rin ang tinaguriang “Father of Public Works Act” bilang may akda ng R.A. 8150, ganoon din ang R.A. 8294 na nag-amyenda sa umiiral na batas laban sa illegal possession of firearms.


Ang ama ko rin ang naghain ng amyenda sa Dangerous Drugs Act (R.A. 6425) upang punuan ang mga kakulangan ng batas at alisin ang butas na kadalasang ginagamit ng mga artestado o lumabag sa batas na ito upang takasan ang mabigat na parusa.


Bilang Chairman ng Senate Committee on Motion Pictures and Television sa 10th at 11th Congresses, ay inayos din niya ang kapakanan ng local entertainment industry, at sinigurong ang violence at sex ay mawala sa television dahil ang 15 % o tatlong oras ng airtime ay nakalaan para sa children’s shows.


Ang aking ama rin ang may akda ng batas para sa automatic promotion at salary/benefits para sa nais na magretirong public school teachers at maging sa mga atletang nagdala ng karangalan sa ating bansa na magkaroon ng lifetime pension.


Kaya sa lahat ng nakiramay sa aming pamilya, simula pa noong una namin siyang dalhin sa ospital, hanggang sa pumanaw, sa mga dumalo sa burol, sa mga nakisimpatya at sa lahat ng lumuha at nagmamahal sa aking ama, muli maraming, maraming salamat sa inyo.


Salamat din sa inyong mga panalangin na higit sa lahat ay nagbibigay sa amin ng lakas para lampasan ang kawalang ito sa aming pamilya.


Para sa amin, isa siyang tunay na idolo at mananatiling “hari ng agimat” para sa sambayanang Pilipino.


Anak ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page