top of page
Search
  • BULGAR

Palugit sa e-bike, e-trike ban, ‘di lisensya para magpasaway

@Editorial | April 20, 2024



KASABAY ng pag-arangkada ng ban sa e-bike, e-trike at iba pang apektadong sasakyan sa ilang tukoy na daan sa Metro Manila, kung saan mahigit 100 ang nasampulan, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na itigil muna ang panghuhuli.


Binigyan ng Pangulo ng isang buwang palugit ang mga masisita dahil kailangan pa umanong mabigyan ng sapat na panahon para maipabatid sa publiko ang impormasyon hinggil sa ban na ipatutupad.


Ang sakop ng grace period ay ang hindi pag-ticket, pagmulta at pag-impound ng mga e-vehicles.Sakaling parahin man sila, ito ay para maayos umanong maituro ang mga kalsadang maaari nilang gamitin, pati na ang pagpapaalala ng mga bagong patakaran upang paigtingin ang kaligtasan at kaayusan sa mga lansangan. 


Sa pamamagitan nito, umaasa tayong wala na ang mga buwis-buhay na eksena sa main road at hindi na rin magkakainitan ang mga driver, commuter at pedestrian.


Nawa’y gamitin ng publiko ang ibinigay na panahon para maisaisip na kailangang tanggapin, unawain at sundin ang bagong patakaran. Huwag nating isipin na ang ibinigay na palugit ay lisensya para ituloy ang pagiging pasaway.


Hindi naman sa bawal na ang paggamit ng e-vehicles, inilalagay lang sa maayos para maganda ang daloy ng trapiko at hindi naaabala ang takbo ng kabuhayan.


Para naman sa kinauukulan, gamitin din natin ang isang buwang palugit para maiparating nang malinaw ang patakaran. Dapat ay una natin itong maunawaan para mas madali nating maipapaliwanag sa publiko.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page