top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Palpak na sistema sa Immigration, lumalala

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 22, 2023
4 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | March 22, 2023



Noon pa man, sandamakmak na reklamo na ang ipinupukol sa Bureau of Immigration (BI) na kung anu-anong anomalya at halos hindi pa humuhupa ang trauma sa ating mga kababayan ng ‘tanim bala’ ay heto na naman ang isyu sa offloading.


Hanggang sa kasalukuyan, napakarami pa ring turista at maging Overseas Filipino Workers (OFWs) ang labas-pasok sa bansa na bukod sa kandado ay ilang ulit pang binalot ng plastic ang dala nilang bagahe dahil nananatili ang takot sa ‘tanim bala’.


Ngayon, ang BI ay nasasangkot na naman sa isang napakalaking alingasngas matapos nitong maglabas ng paliwanag hinggil sa nag-viral na offloading incident sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kamakailan.


Pinagpipyestahan ngayon sa social media ang karanasan ng isang pasahero na papunta sana ng Israel kung paano siya pinaglaruan ng isang Immigration Officer (IO) matapos niyang ikuwento ang buong detalye dahil tila hindi siya kursunada ng IO.


Nangyayari naman talaga sa tao na kahit noon mo pa lamang nakita ang isang tao ay magaan agad ang iyong loob at nangyayari rin na kahit hindi mo kakilala ay ang bigat-bigat agad ng loob mo kahit noon mo pa lamang nakita.


Pero sana, hindi ito dinadala sa pagtupad ng trabaho, dapat propesyunal ang mga IO sa pagtupad ng kanilang tungkulin kahit ano’ng klase pa ng hitsura ng pasahero na dumadaan sa kanilang kamay at hindi tama na pahirapan ang hindi lang kursunada o medyo mabigat sa loob ang datingan ng pasahero.


Isipin n’yo na lamang na daig ng IO na ito ang pahirap na ibinibigay sa mga kumukuha ng bar examination dahil napakahaba at walang katuturang pagtatanong na umabot pa hanggang sa puwersahan at ura-urada nitong ipinadadala ang kanyang school yearbook.


Saan ka naman nakakita ng mag-a-abroad ka lang ay dapat mo pang bitibitin ang iyong school yearbook na kahit kailan ay hindi naman naging requirement para makaalis ng bansa at dito ay ramdam na ramdam na nais lamang talagang perwisyuhin ng IO ang pasahero.


Angt resulta, tagumpay ang IO—naiwan ang pobreng pasahero at hindi nakabiyahe, na naglaan pa naman ng maraming oras para hindi mahuli sa kanyang paglipad at ang higit na masaklap, kinailangang gumastos muli ng pasahero para magpa-rebook ng flight.


Marami na ang ating natatanggap na reklamo hinggil sa offloading mula pa noong nakaraang taon at unti-unti na nating iniimbestigahan ang mga reklamong dumadagsa sa ating tanggapan, hanggang sumambulat na nga ito.


Tinitingnan na natin ito since last year pa, at pumutok na nga at mismong kaibigan pa ni Congressman Bryan Revilla na mamamasyal lang sana sa Singapore ang na-offload nang dalawang beses despite our correspondence with BI. Ang katwiran ng BI, iba raw ‘yung nasa legal at head office nila at mga nasa airport.


Ibig sabihin, inilalaban ng pamunuan ng BI ang katwiran na wala umano silang kontrol sa mga tao nila sa airport, na isang malaking pag-amin, na kaya pala marami ang abusadong IO at ang kawawa rito ay ang ating mga kababayan, bagay na hinding-hindi dapat mangyari.


Hindi natin kinokondena ang kasalukuyang polisiya ng BI, partikular sa pag-offload, lalo na kung legal at marangal naman ang hangarin, pero nagagamit ito sa pang-aabuso at hindi kaaya-aya ang nagiging resulta. Sa pagkakataong ito, it looks like the solution being implemented is worse than the problem.


Ayon sa statement na inilabas ng BI, sa 32,404 na pasaherong kanilang in-offload noong 2022, 472 lamang ang may kaugnayan sa human trafficking, 873 ang umano’y nag-misrepresent sa kanila, at 10 ay mga menor-de-edad.


Sa lagpas 30,000 na na-offload at inabala ng immigration na ‘yan, wala pang 4.2% nito ang may semblance of basis. Mas nakakagalit dahil 1.45% lamang ang sinasabi nilang connected sa human trafficking, mahigit sa 95% ay talagang inabala at pinagastos lang.


Ibig sabihin, malaking kalokohan talaga dahil isa lang sa bawat 20 na-offload nila ang medyo may basis, sobrang dami ng naabala, sobrang dami ng nasayang na oras at pera. This really says something about the accuracy and efficiency of their (Bureau of Immigration) performance.


Hindi ganyang klase ng serbisyo-publiko ang dapat natatanggap ng mga tao. Lumalabas kasi na para bang all Filipinos are human traffickers unless proven otherwise! Bakit n’yo hahanapan ng yearbook, bakit n’yo hahanapan ng graduation photo? Hindi ko maisip kung para saan. Our people deserve to be treated better, if not fairly.


Harapang pagyurak sa constitutionally guaranteed right to travel ang ginagawa ng BI, daig pa nila ang Korte na maykapangyarihang mag-isyu ng Hold Departure Orders (HDO) kung may batayan, pero ‘yung mga ordinaryong Pilipino na gusto lang makaranas ng bakasyon sa ibang bansa, tapos basta-basta na lang iniipit at hindi pinaaalis, over-stepping na yan.


Tuluy-tuloy pa rin ang pag-offload ng BI sa kabila ng mga patakarang inilatag sa Memorandum Circular No. 036, s. 2015 ng Department of Justice (DOJ) na nagtakda ng revised guidelines sa Departure Formalities for International-Bound Passengers.


Sobrang broad ng authority at ng discretion na ibinibigay sa mga IO na ito, daig pa nila ang mga consul sa pag-iisyu ng visa. Panahon na para kalusin ang kanilang pang-aabuso at kung hindi n’yo maisasaayos ang lahat, mag-resign na lang kayo!


Anak Ng Teteng!



May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page