top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Palpak na serbisyo ng mga telcos, wakasan na!!!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 7, 2020
  • 3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 7, 2020



Sa wakas ay tila nagkaroon ng bagong pag-asa ang marami sa ating mga kababayan matapos magbanta ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa dalawang telecommunications company (telcos) dahil sa palpak nitong serbisyo.

Naganap ang naturang pahayag nang isagawa ng Pangulo ang ika-lima niyang State of the Nation Address (SONA) na umani ng masigabong palakpakan dahil lahat ay biktima ng hindi maaasahang serbisyo ng naturang telcos.

Nabuhayan ang ating mga kababayan dahil sa naging epektibo ang naging unang banta ng Pangulo laban sa dalawang water concessionaires na dati-rati ay palpak din ang serbisyo at palaging may water interruption.

Sa takot ng mga ito na gobyerno na ang mamamahala sa kanilang operasyon ay malaki ang nabago sa kanilang serbisyo na ikinatuwa ng ating mga kababayan.

Ngayon ay heto na naman tayo at kinailangan pang ang Pangulo mismo ang magbigay ng ultimatum para lamang gumanda ang serbisyo at nitong mga huling araw ay naramdaman nga natin ang malaking galawan hindi lamang sa panig ng telcos kung hindi maging sa panig ng pamahalaan.

Ibinalik ng telcos sa pamahalaan ang sobrang pahirap sa paglalakad ng dokoumento bago makapagtayo ng isang cellsite kaya hindi mapaganda ng lubos ang kanilang serbisyo.

Ilan sa mga reklamo ng umiiral na telcos ay ang napakaraming dokumento ang kailangang ihanda para makapagtayo ng cellsite at halos lahat ng ahensiya ng pamahalaan ay kailangang magbigay ng sertipikasyon.

Kabilang na ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na dati ay kailangan pang aprubahan ang height restriction ng isang cellsite kahit hindi naman ito kataasan at imposibleng mabangga ng eroplano.

Pati ang Department of Health (DOH) ay kailangan pang patotohanan na ligtas para sa kalusugan ng ating mga kababayan ang itatayong cellsite at ganoon din ang mga homeowners association sa mga lugar ay tahasan din ang pakikialam.

Pero ngayon dahil sa kailangan na nilang madaliin na mapaganda ang serbisyo ng telcos ay malaki agad ang ipinagbago dahil mula sa dating 86 dokumento para makapagtayo ng cellsites ay nasa 35 na lamang.

Dati-rati ultimo ang mga Local Government Unit (LGU) ay nagpapasa pa ng kung anu-anong resolusyon tungkol sa pagtatayo ng cellsites sa kanilang lugar at lahat ay naging ugat lamang ng korupsiyon at dagdag-pahirap sa mga telcos.

Umaabot umano ng 10 hanggang 15 milyong piso ang halaga ng isang cellsite, hindi pa kasama ang renta sa lugar na pagtatayuan at katakut-takot ang aabutan ng lagay para lamang matuloy ang isang cellsite.

Lalo pa at kinakailangang ng karagdagang 50,000 cellsites sa buong bansa para mapaganda talaga ang serbisyo ng telcos hanggang sa bulubunduking bahagi ng bansa.

Dahil d’yan mismong ang Department of Interior and Local Government (DILG) ay nagtayo ng Task Force upang asistihan itong mga telcos sa pagtatayo ng cellsites mula paghahanap ng lugar hanggang sa ito ay gumana.

Aalalayan din umano ng naturang Task Force ang paglalakad ng dokumento ng telcos na mula sa dating 200 araw ay magiging 16 hanggang 20 araw na lamang at wala na rin ang korupsiyon.

Napakaganda ng ultimatum na ito ng Pangulo dahil ang telcos ang isa kaagapay ng Department of Education (DepEd) sa pagbubukas ng klase at higit sa lahat ay naibsan pa ang ilang mapagsamantala sa pamahalaan.

Kumbaga, nasapol ni Pangulo ang dalawang ibon ng isang bato lamang.

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page