top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Palpak na internet service, masosolb na

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 21, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | November 21, 2023


Mas maginhawa na para sa lahat kapag ang mga internet connectivity sa bansa ay magiging mabilis na ang serbisyo.


Ito ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasabay ng pakikipag-usap niya sa Filipino community sa Los Angeles, California, na plano niyang magkaroon ng collaboration sa tech mogul na si Elon Musk’s Starlink upang mapabuti naman ang internet service ng Pilipinas.


Nagkaroon kasi ng pagkakataon si P-BBM at ang delegasyon nito na makapaglibot sa SpaceX facility ni Musk sa Hawthorne, California, kung saan nakita niya ang potensyal ng ‘Pinas bilang isang ideal candidate para sa satellite broadband connectivity upang mapahusay ang serbisyo at koneksyon ng internet sa bansa.


Madalas na kasing naririnig sa publiko na mahina at mabagal ang internet sa maraming lugar sa bansa, subalit aniya, sa sandaling simulan na ang paggamit ng satellite asahan na sa mga darating na araw ay gaganda na ating internet service.


Ayon sa Pangulo inatasan na niya si Department of Information and Communications Technology Secretary Ivan Uy na asikasuhin agad ang mga napagkasunduang transaksyon sa Amerika pagbalik sa bansa.


Mainam ang naging desisyon ng Pangulo sa usapin ng ating internet service sa bansa.


Matagal na rin kasing problema ang internet sa mga paaralan, mga pribado at pampublikong transaksyon, trabaho, transportasyon at marami pang iba.


Pero, kung totoong magiging mas mabilis na nga ang serbisyo ng ating internet ay talagang malaking pakinabang ito para sa mga mamamayan.


Marahil, panahon na upang mapahusay at mapalawak talaga ang ating digitalisasyon at paggamit ng mga bagong teknolohiya para maging mas epektibo, produktibo at episyente, hindi lang ang serbisyo ng gobyerno pati na rin ang pribadong sektor sa taumbayan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page