top of page

Palpak na flood control projects, ayusin na — Sec. Dizon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 hours ago
  • 1 min read

ni Mylene Alfonso @News | February 16, 2026



Vince Dizon - Department of Public Works and Highways

Photo: Vince Dizon - Department of Public Works and Highways



Ipinag-utos ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon sa mga kontratista na agad ayusin ang mga flood control projects na natukoy na may depekto o hindi tumutugma sa itinakdang pamantayan. 


Ayon sa mga ulat, natukoy ang mga proyektong ito matapos ang isinagawang inspeksyon at beripikasyon ng DPWH. 


Sa ilalim ng mga kontrata ng DPWH, may tinatawag na “guarantee provision” kung saan obligadong itama ng kontratista—sa sarili nitong gastos—ang anumang kakulangan o diperensya na matutukoy sa proyekto. 


May ilang kontratista na umano’y nagpahayag ng kahandaang magsagawa ng kinakailangang pagkukumpuni alinsunod sa kanilang kasunduan. 


Samantala, sinusuri rin ng DPWH ang mga discrepancy kaugnay ng ilang proyekto sa Bulacan na napaulat bilang “ghost projects” bunsod ng maling grid coordinates na nakatala sa opisyal na records. 


Ang grid coordinates ang ginagamit upang matukoy ang eksaktong lokasyon ng proyekto sa mapa at monitoring system. 


Batay sa joint inspection na isinagawa sa lugar, may mga proyektong napatunayang umiiral at gumagana, ngunit nagkaroon ng kalituhan dahil sa hindi tugmang datos ng lokasyon. 


Patuloy ang beripikasyon ng mga dokumento at rekord upang maitama ang anumang maling impormasyon at malinawan ang katayuan ng mga nasabing proyekto.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page