Search
  • BULGAR

Paliwanag sa Balik Probinsya Bagong Pag-Asa Program at Hatid Tulong initiatives...

Alamin sa Bisyo Magserbisyo ni Kuya Bong Go!

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | July 01, 2020



Hindi lingid sa ating kaalaman ang krisis na pinagdaraanan hindi lamang ng ating bansa kundi ng buong mundo ngayon dulot ng bagsik ng COVID-19 pandemic. Dahil sa sakit na ito, maraming sektor ng lipunan ang nangangailangan ng tulong upang makaahon mula sa naturang problema. Kabilang sa mga kababayan nating ito ang locally stranded individuals o LSIs.


Dala ng mahigpit na community quarantine na ipinataw ng gobyerno sa bansa upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19, marami sa ating mga kababayan ang na-stranded sa Metro Manila at iba pang mga lungsod. Marami sa kanila ay nasa sidewalk o ilalim ng flyover. Kawawa naman ang kapwa natin Pilipino. Dapat tulungan natin sila. Dapat hindi natin sila pabayaan.


Kaya naman nitong nakaraang mga linggo, tuluy-tuloy ang ating panawagan sa mga ahensiya na magtulungan para maalalayan ang mga LSIs na nais nang makauwi sa kani-kanilang probinsiya. Hiniling natin na bigyan sila ng maayos na sistema upang hindi sila nakaabang lang sa mga transport terminals. Alagaan natin sila, bigyan ng pagkain, maayos na masisilungan at huwag hayaang magkumpol-kumpol para maiwasan ang lalong pagkalat ng COVID-19.


Bilang chair ng Senate Committee on Health, palagi kong ipinapaalala sa ating mga ahensiya na sundin ang tamang proseso at magkaroon ng maayos na koordinasyon, lalo na sa mga lokal na pamahalaan, upang maisaalang-alang palagi ang buhay at kaligtasan ng mga tao. Hinikayat ko ang mga ahensiya na sumunod sa health protocols nang sa gayun ay masigurong malusog na babalik ang mga LSIs sa kanilang mga lugar. Kung hindi naman willing at handa ang local government units o LGUs na tanggapin sila, huwag na muna natin silang pauwiin.


Nais nating klaruhin na magkaiba ang Balik Probinsya Bagong Pag-Asa Program sa Hatid Tulong initiatives. Ang BP2 Program ay para sa mga taga-Metro Manila na gustong mag-relocate sa kanilang probinsiya pagkatapos ng krisis. Nakasaad sa EO 114 na long-term at whole-of-nation approach ito na ang layunin ay i-decongest ang Metro Manila at mapabilis ang pag-unlad ng iba’t ibang parte ng bansa.


Iba naman ang Hatid Tulong initiatives na para sa mga LSIs at iba pang apektadong Pilipino na na-stranded dahil sa community quarantine measures at kailangang matulungang makauwi sa kanilang probinsiya.


Hindi natin puwedeng ipagkait ang karapatan ng mga Pilipino na makauwi sa sarili nilang bayan. Obligasyon ng LGUs na tanggapin at alagaan ang kanilang mga kababayan. Gawin lang dapat ito sa paraan na ligtas at hindi makakadagdag sa ating hinaharap na krisis.

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.

Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.