Palengke na pasaway sa srp, dapat sampolan, 'di iwasan
- BULGAR
- Feb 25, 2023
- 1 min read
@Editorial | Pebrero 25, 2023
Sa taas ng presyo ng mga bilihin, kailangang maging wais kung paano makakatipid pero sulit pa rin.
Kaugnay nito, hinimok ng Department of Trade and Industry (DTI) ang publiko na sa mga supermarket o grocery stores bumili ng prime commodities dahil sumusunod ang mga ito sa suggested retail price (SRP).
Mahigpit umanong sinusunod sa mga supermarket at grocery stores ang inilalabas nilang SRP.
Hindi tulad ng mga palengke na karamihan umano ay hindi nakasusunod sa itinakdang presyo.
Tama naman na ru’n tayo sa patas at tapat ang presyo, pero marami sa mga mamimili ang nagsasabi na mas mura pa rin sa palengke at nakakatawad pa. May mga paninda rin na tumpok na nabibili o kada piraso.
Sa totoo lang, sa panahon ngayon, hindi na ganu’n kasimple ang mag-grocery. Kung may kalayuan, kailangan pang mamasahe at pagdating sa mismong pamimili, ‘yung budget mong P1,000 ay malabo nang makapuno ng basket.
Sa halip na konsyumer ang mag-adjust, bakit hindi ang mga sinasabing pasaway sa ipinatutupad na presyo ng bilihin ang pagsabihan?
Kung ayaw pa ring sumunod sa SRP, sampolan para ‘di pamarisan.
Kaya ang dapat na himukin dito ay ang mga ayaw sumunod sa tamang presyo ng bilihin. Kasabay nito, kailangan ding kumayod ng kinauukulan para masiguro na hindi nasasamantala ang mamamayan.


Comments