Pakyawan kung mag-tip! MANNY, P110 LANG ANG TAXI FARE, P61 K ANG IBINIGAY SA DRIVER
- BULGAR

- 59 minutes ago
- 2 min read
ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | August 27, 2026

Photo: FB Manny Pacquiao
Sinorpresa ng boxing champ na si Manny Pacquiao ang isang TNVS (Transport Network Vehicle Service) driver nang bigyan niya ito ng malaking tip na, take note, hindi lang pesos kundi US (United States) dollars!
Sa YouTube (YT) vlog ng dating senador na Team Pacquiao, sinabi niyang pupunta siya sa kanyang Manny Pay office in Makati at hindi na siya magdadala ng sasakyan kundi sasakay na lang siya sa TARA, isang ride-hailing application.
“Kung sino ‘yung driver na masakyan ko ngayon ay blessed s’ya ng Panginoon because ang ibabayad ko sa kanya ay ‘di piso kundi dollars,” sabay-pakita ng mga dolyares na kanyang hawak.
Makikita rin sa video ang pagsakay ni Manny sa TNVS at ang halaga lang ng taxi fare niya ay P110, pero ang ibinayad ng Pambansang Kamao ay tumataginting na $1,000 or equivalent to P61,000.
Halos maiyak sa tuwa ang driver at labis-labis ang kanyang pasasalamat kay Manny.
“Ninenerbiyos po ako until now. It’s a mixed emotions po, gusto ko pong maiyak na tuwang-tuwa po ako. Salamat po, Sir,” saad ng driver.
Sa comment section ay puring-puri ng mga netizens ang boxing champ sa pagkakaroon ng mabuting kalooban, pagiging generous at sobrang matulungin kaya raw ito lalong pinagpapala.

Photo: IG _cocomartin_ph
EXCITED sina Coco Martin at Julia Montes na itodo ang kilig dahil magsasama na sa iisang bubong ang kanilang mga karakter sa tinututukang Kapamilya teleseryeng Coco Martin’s Sigabo.
“Magsisimula na ‘yung sinasabi ko noon na itong Sigabo, ‘di lang s’ya action-drama, talagang comedy-romance s’ya. Excited kaming lahat kasi nga first time ‘to,” sabi ni Coco sa panayam sa TV Patrol.
Masaya namang inispluk ni Julia ang slow-burn romance na atake sa love story nila ni Coco sa serye at sinabing “Paano magkakaroon ng koneksiyon ‘yung dalawa? Saan mabubuo ang kuwento ng isa’t isa? Aso’t pusa ba ‘to? Mapupunta ba ‘to sa pagkakagustuhan? Maraming sorpresa, ‘di pa namin ma-spoil sa inyo dahil dapat n’yong abangan. Binuo talaga ni Coco ‘yun.”
Itinampok na sa pinakahuling episode ang inaabangang eksena kung saan nagkunwari si Sam na nawalan siya ng alaala matapos siyang bumagsak sa bubong ng bahay ni Gabo (Coco), dahilan para ipakilala nito ang sarili bilang kanyang asawa.
Dahil dito, wagas ang pag-aalaga ni Gabo kay Sam at handa niyang itaya ang sariling buhay para protektahan ito laban sa mga armadong grupo na tumutugis sa dalaga. Pero walang kamalay-malay si Gabo na iniimbestigahan na pala siya ni Sam para malaman kung may koneksiyon ba siya sa mga sindikato mula sa pamilya Zafra.
Napapanood ang Coco Martin’s Sigabo gabi-gabi mula Lunes hanggang Biyernes, 8 PM sa ALLTV2, TV5, A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live sa YouTube (YT) at Facebook (FB), at iWant. Available rin ito sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV.





Comments