top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Pahiwatig na hihingan ng tulong ang ex-klasmeyt

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 30, 2021
2 min read

ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | April 30, 2021



Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Vicky ng Tarlac.


Dear Maestra,

Napanaginipan ko ang kaklase ko nu’ng college na kasama ang asawa niya at pumunta kami sa probinsiya. Tapos may ilog na kailangang tawirin at nang tawirin namin, may maliit na tindahan. Nag-iwan ng sulat sa tindera ‘yung asawa niya at sinabing ibigay ang sulat sa kaklase ko ‘pag wala na siya. I don’t think she was able to open the letter. Tinanong niya ang tindera kung nasaan ‘yung sulat at naputol na ang panaginip ko pero nakita ko ‘yung kuwintas niya na naputol pati ang wedding bands nila.

May iba pang tao sa isla at maraming nagtangkang tumawid sa kabilang dulo ng ilog, pero sobrang bilis ng agos, gayundin, malinaw ang tubig.

Hindi ko alam kung bakit napanaginipan ko sila. Ano ang ipinahihiwatig nito? Maraming salamat!


Naghihintay,

Vicky


Sa iyo, Vicky,

Ayon sa iyong panaginip, sa darating na mga araw, kakailanganin mo ang tulong ng dati mong kaklase o vice versa. May kaugnayan ito sa dagdag na pagkakakitaan para makaraos kayo sa panahon ng pandemya.


Sa totoo lang, labis kang nalungkot nang mamatay ang asawa niya, pero sa panaginip mo ay kasama pa rin niya. Ibig sabihin, nakaalalay pa siya sa kaklase mo at nagpapahiwatig na pareho n’yong kakailanganin ang tulong ng bawat isa, lalo na sa panahon ngayon. Ito rin ay nangangahulugan na makatatanggap ka ng regalo mula sa kanya sa sandaling magkita kayong muli.


Samantala, may posibilidad na magkita kayong muli at magkakuwentuhan tungkol sa dinaranas n’yong problema ngayon. Ang naputol na kuwintas at wedding bands nila ng mister niya ay nagpapahiwatig na tuluyan na siyang makaka-move on sa pagpanaw ng kanyang asawa. Gayundin, may mag-o-offer sa kanya ng pag-ibig at kakilala mo ang taong ‘yun na mayaman at biyudo rin. Magiging komportable ang pagsasama nila kung papatulan niya ang nasabing lalaki. Kaya lang, baka hindi matuloy dahil nag-aalala siyang hindi siya maging maligaya sa piling nito.

Sa kabilang dako, kung tatanggapin niya ang proposal ng lalaking ito, pati ang mga taong umaasa sa kanya ay matutulungan niya, lalo na ang sarili niyang pamilya. Ang letter na hindi niya natanggap ay nagbabadya na may hahadlang o tututol na mag-asawa siyang muli.


Ibig sabihin, hindi sasang-ayon ang mga taong malapit sa kanya sa pag-aakalang binobola lamang siya ng lalaking ‘yun. May pangako ng masaya, payapa at masaganang pamumuhay ang kabuuan ng panaginip mo tungkol sa dati mong kaklase, depende sa pagpapasya niya. Ikaw ang una niyang lalapitan upang hingin ang iyong opinyon at ikaw din ang makikinabang kapag natuloy ang pag-aasawa niyang muli sa bago niyang tagahanga.


Matapat na sumasaiyo,

Maestra Estrellia de Luna

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page