Pahirap ng Bureau of Immigration, oa na!
- BULGAR
- Sep 6, 2023
- 4 min read
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | September 6, 2023
Marami ang natuwa sa mga isinumiteng resolusyon sa Senado na naglalayong hadlangan ang bagong panuntunan ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) hinggil sa eksaheradong paghihigpit para sa ating mga kababayan na nais na magtungo sa ibang bansa.
Kaya noong nakaraang Miyerkules ay nagkasundo ang mga Senador na magpasa ng dalawang resolusyon matapos na magsagawa ng privilege speech ang Senate President na tinutuligsa ang bagong travel guidelines na kailangang magsumite ng sandamakmak na dokumento para sa mga kababayan nating nais mag-abroad.
Nakapaloob sa resolusyon na suspendihin na ang pagpapatupad ng 2023 revised IACAT guidelines hinggil sa departure formalities para sa mga kababayan nating nais na lumipad patungong ibang bansa.
Ngunit bago pa sumambulat ang lahat ng ito ay inalarma na natin ang publiko noon pang nakaraang Marso makaraang mag-viral sa social media ang isa nating kababayan na nais sanang magbiyahe patungong Israel na hinahanapan pa ng school yearbook ng Immigration Officer.
Pero tinitingnan na natin ito simula pa noong nakaraang taon dahil mismong kaibigan ni Congressman Bryan Revilla na mamamasyal lang sana sa Singapore ay dalawang ulit na-offload sa kabila nang pagtugon nito sa lahat ng requirements sa Bureau of Immigration (BI).
Pinangangalandakan noon ng BI na iba umano ang nasa legal at head office nila sa mga nakatalaga sa airport at wala umano silang kontrol sa airport na maliwanag na wala sa hulog ang pangangatwiran na ito ng BI at basta may masabi lang.
Tila hindi maka-Pilipino ang polisiyang kanilang pinaiiral sa halip na bigyang proteksyon ang ating mga kababayan mula sa posibleng human trafficking ay pahirap ang nakukuhang serbisyo mula sa Immigration officers — Kumbaga, sa halip na gamot ang mapala natin sa BI ay lason pa ang ating nakukuha.
Napakarami na ng tinitiis ng ating mga kababayan sa kadalasan ay pumapalyang sistema sa ating airport, nandiyan ang tinitiis ang haba ng pila, tapos ay pahihirapan pa ng BI sa mga walang kuwentang tanong at kung ituring ay parang may kasalanan na dapat imbestigahan at kung anu-ano pa ang hinihingi ng mga Immigration officer base lamang sa kanilang kapritso.
Kaya paulit-ulit nating itinatanong kung ano ba ang magiging pakinabang sa ginagawang ito ng BI, hindi kasi natin maintindihan kung ano ba talaga ang kanilang motibo sa pag-antala sa ating mga kababayan na ang gusto lang naman ay magbiyahe sa labas ng bansa.
Lumalabas kasi na mula sa datos mismo ng BI noong nakaraang taon ay umabot sa 32,404 nating kababayan ang na-offload ngunit 472 o 1.46 porsyento lamang ang nakitang maaaring may kaugnayan sa human trafficking kaya hindi ko talaga maarok ang ginagawa ng BI kung epektibo ba ito.
Sa mahigit 30,000 na na-offload at inabala ng mga taga-Immigration ay wala pang 4.2% ang may semblance of basis. Mas nakakagalit pa dahil 1.45% lang ang sinasabi na maaaring konektado sa human trafficking.
Kumbaga, mahigit 95% ang talagang inabala at pinagastos lang — ibig sabihin, isa lang sa bawat dalawampung na-offload ang medyo may basehan at ang iba ay sobrang inabala lang, sinayang pa ang pagod, oras at pera.
Napakalaking kahangalan nga naman na ang ating kababayan ay hindi makaalis ng bansa dahil lamang sa walang consularized affidavit of support mula sa kanilang mga kaanak at halatang-halata na hinahanapan na lang ng butas ng mga nagti-trip na Immigration officer.
Ang mga bagong requirements ay kinabibilangan ng kumpirmadong round-trip ticket, proof of accommodation, financial capacity, purpose of travel, proof of employment at iba pang dokumento na sa tingin natin ay hindi lahat kailangan.
Para sa sponsored travel, ang agency ay nangangailangan ng orihinal na birth o marriage certificates, kumpirmadong round-trip ticket at notaryadong kopya ng sulat mula sa sponsor, valid work visa, permit at iba pang papeles.
Marami sa ating mga kababayan ang nagtutungo abroad matapos magtipid at mag-ipon ng mahabang panahon at halos hindi na kumakain sa ibang bansa basta makaranas lamang ng buhay sa ibang bansa kahit ilang araw lamang tapos ay mao-offload lang.
Hindi naman masama na labanan natin ang human trafficking, ngunit ‘wag naman sana umabot sa puntong nilalabag na natin ang Konstitusyon at labis nang naaabuso ang karapatan ng ating mga kababayan.
Samantala, dapat lamang ang ginawang pagsuspinde ng Department of Justice (DOJ) sa pagpapatupad ng revised guidelines hinggil sa departure formalities kasunod sa hinaing ng marami nating kababayan na nais magtungo abroad na biktima ng overacting na sistema ng BI.
Ang masaklap pa ay naninindigan pa sa mali at pinangangatawanan ng IACAT na wala umano silang nakikitang problema sa pagpapatupad ng revised guidelines dahil ang nais lamang umano nila ay mabalanse ang national security at ligtas na pagbiyahe.
Balak nang maghain ng mga senador ng petisyon sa Korte Suprema na maglabas ng temporary restraining order kung kinakailangan upang alisin o baguhin ang wala sa lugar na paghihigpit sa pagbiyahe na hindi na umano makatarungan.
Nakakainis kasi ang labis na pagmamalabis ng BI sa ating mga kababayan pero pagdating sa mga trabahador ng Philippine offshore gaming operator ay napakaluwag nila.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments