Pahintulot ng anak, kailangan sa pag-aampon
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Pebrero 6, 2023
Dear Chief Acosta,
Labing-anim (16) na taong gulang na ang aming nag-iisang anak at hindi na siya nasundan. Kaya naman, nag-iisip kaming mag-asawa na mag-ampon ng isang ulilang bata, na siyang magiging kapatid niya. Subalit, mukhang tutol ang aming anak sa planong ito. Totoo ba na kailangan naming hingin ang pahintulot ng aming anak bago kami makapag-ampon ng bata? –Estella
Dear Estella,
Para sa iyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan ay ang Section 26 ng Republic Act (R.A.) No. 11642 o mas kilala sa tawag na Domestic Administrative Adoption and Alternative Child Care Act, kung saan nakasaad na,
“Section 23. Whose Consent is Necessary to the Adoption – After being properly counseled and informed of the right to give or withhold approval of the adoption, the written consent of the following to the adoption are hereby required:
(c) The legitimate and adopted children, ten (10) years of age or over, of the adopters, if any;
(d) The illegitimate children, ten (10) years of age or over, of the adopter if living with said adopter or over whom the adopter exercises parental authority and the latter’s spouse, if any; and”
Ayon sa nabanggit, sa pag-aampon ng isang bata, kinakailangan ang consent o pahintulot ng mga anak ng mga mag-aampon, kung ang mga anak ay 10-anyos o higit pa. Ang exception dito ay kung hindi kayang pangalagaan ng anak ang kanyang sarili mula sa pang-aabuso, pagpapabaya, o diskrimisnasyon dala ng pisikal o psychosocial na kapansanan o kondisyon. (Sec. 36 (b), Implementing Rules and Regulations of R.A. No. 11642)
Dahil 16-anyos na ang inyong anak, kailangan n’yong mag-asawa na kunin ang consent o pahintulot ng inyong anak bago kayo makapag-ampon ng isang bata, maliban kung ang inyong anak ay may pisikal o psychosocial na kapansanan o kundisyon at dahil dito ay hindi niya kayang pangalagaan ang kanyang sarili.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments