top of page
Search
  • BULGAR

Pagtuturo ng ‘di bakunadong titser sa F2F class, oks basta safe

ni Ryan Sison - @Boses | August 18, 2022


Makapagtuturo pa rin sa nalalapit na pagbabalik ng face-to-face classes ang mga gurong hindi pa bakunado kontra COVID-19.


Ito ay matapos payagan ng Department of Education (DepEd) ang bagong polisiya hinggil sa unvaccinated teachers na payagang mag-report sa trabaho at magturo.


Ayon kay DepEd Undersecretary Atty. Revsee Escobedo, kailangang istriktong tumalima ng mga guro sa minimum health protocols tulad ng pagsusuot ng face masks. Gayundin, kailangang may maayos na bentilasyon ang mga silid-aralan na pagtuturuan ng mga ito.


Habang ang mga guro na makikitaan ng mga sintomas ng COVID-19 ay pinapayuhang magpasuri at manatili na lamang sa tahanan.


Samantala, tiniyak ng kagawaran na magkakaroon ng ‘excused leave with pay’ ang mga gurong sasailalim sa quarantine.


Nakipag-ugnayan na rin ang DepEd sa Department of Health (DOH) para sa pagdaraos ng mobile COVID-19 vaccinations sa mga paaralan para sa mga bata at guro na nais nang magpabakuna.


Malaking bagay na maaaring magturo sa in-person classes ang mga hindi bakunadong guro.


Sa dami kasi ng mag-aaral, hindi na kakayanin ng mga titser kung mababawasan pa ang kanilang puwersa.


Ang mahalaga, walang makakalimot sa health protocols at handa ang paaralan, gayundin ang kagawaran sa oras na may gurong matatamaan ng sakit.


Malinaw ang mga panuntunan para mapanatiling ligtas ang lahat, lalo na ang mga mag-aaral.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page