Pagtulong sa mga biktima ng bagyo, ‘wag gawing installment!
- BULGAR
- Dec 29, 2021
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | December 29, 2021
INSTALLMENT NA TULONG NG DUTERTE GOV’T. SA MGA BIKTIMA NG BAGYONG ODETTE—Sa ipinangakong P10-B tulong ng Duterte gov’t. sa mga probinsiyang naapektuhan ng Bagyong Odette, ang sabi ni P-Duterte ay P1-B muna ang kanyang ipadadala at hinahanapan pa niya ng budget sa ibang ahensiya ng pamahalaan ang karagdagang P9-B financial aid sa mga biktima ng bagyo.
◘◘◘
KUNG NAGAWA NI P-DUTERTE MAGLABAS NG MALAKING PONDO PARA SA PHARMALLY, KAYA RIN NIYANG MAGPALABAS NG MALAKING PONDO SA MGA BIKTIMA NI ‘ODETTE’—Hindi katanggap-tanggap sa publiko na mistulang tinityani pa ni P-Duterte ang tulong sa mga biktima ng Bagyong Odette kasi kung gugustuhin niya ay kaya niyang sabihan ang ibang departamento na maglabas ng budget para ipantulong upang madali silang makabangon mula sa pagkalugmok dulot ng pananalasa ni ‘Odette’.
Nagawa ni P-Duterte noong March 2020 na utusan si Health Sec. Francisco Duque na magbigay ng P42 bilyon sa DOH funds sa PS-DBM (Procurement Service-Department of Budget and Management) na pambili ng overpriced na PPE sa Pharmally Pharmaceutical Corp., kaya’t kung tutuusin ay kaya rin niya itong gawin ulit ngayon para matulungan agad ang mga kababayan nating biktima ng sakuna, period!
◘◘◘
PULITIKONG HINDI BUKAL SA PUSO ANG PAGTULONG, IBASURA SA ELEKSIYON—May mga pulitiko na dati ay “nganga” lang sa pagtulong sa mga biktima ng kalamidad, ang nagpapabida ngayon sa pagbibigay ng tulong sa mga kababayan natin sa Visayas at Mindanao na lubos na naapektuhan ng bagyo.
Ang ganyang uri ng pulitiko ay dapat ibasura kahit sabihin pang namimigay ng tulong ngayon kasi kaya lang siya tumutulong ay dahil nangangailangan siya ng boto, period!
◘◘◘
MAAGANG PANGANGAMPANYA NG MGA PULITIKO, STOP MUNA—Ang campaign period sa national positions ay sa February 8, 2022 pa mag-i-start, kaya’t sana ay tantanan na muna ng mga kandidato sa pagka-pangulo, VP, senador at partylist ang maagang pangangampanya at pag-ikut-ikot para mangampanya sa Luzon.
Kung totoo na gusto nilang makatulong sa mamamayan, dapat maglagi muna sila sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Odette sa Visayas at Mindanao at dito ibuhos ang kanilang tulong dahil sa ngayon ay napakarami talaga nating kababayan na biktima ni ‘Odette’ ang nangangailangan ng tulong, period!





Comments