Pagtugon sa malinis na hangin target ng TPSK Air Run 2026
- BULGAR

- 5 days ago
- 1 min read
ni Anthony Servinio @Sports | August 18, 2026

Photo: Ang masayang paglulunsad ng TPSK Air Run na magiging makulay ang event sa Setyembre 20, 2026 sa Quirino Grandstand kung saan opisyal na media partner ang BULGAR. (GFpix)
Aabangan ang pinakamakulay na fun run ng taon sa ika-apat na yugto seryeng Takbo Para Sa Kalikasan 2026 - Air Run - ngayong Setyembre 20 sa Quirino Grandstand.
Muling magtitipon ang komunidad ng mananakbo sa pagpapakita ng kanilang pagmamahal sa Inang Kalikasan lalo na ang laban para sa malinis na hangin. Tampok ngayon ang 21.1 kilometro o Half-Marathon. May mga karera pa rin sa 10 at limang kilometro.
Sa nais maghain ng panibagong hamon na maiba sa mga nakaraang taon, ang Air Run ay isa nang Color Run kung saan magsasaboy ng mga makulay na pulbos sa buong ruta.
Walang dapat isipin at ang mga pulbos ay ligtas at maaaring kainin. Bilang dagdag, maliban sa kinagawiang medalya na gawa sa kahoy at t-shirt ay tatanggap din ang lahat ng espesyal na medyas at sunglass.
Kasalukuyang ginaganap ang pagpapalista online at sa mga piling sangay ng Chris Sports. Sinasabayan ang salita ng kongkretong gawa ng tagapangasiwa ng patakbo na Green Media Events na sina Mr and Mrs. Jenny at Ernie Lumba.
Makikita ng mga tumakbo ang mga proyektong pinondohan ng kanilang pagsali. Matapos ang Air Run ay tutuldukan ang taon ng Earth Run sa Nobyembre 15 sa parehong lugar. Ang BULGAR ang opisyal na media partner ng TPSK 2026.





Comments