top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Pagtaya sa lotto mas oks kaysa sa mga pa-raffle sa online na bogus naman!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 31, 2020
  • 3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 31, 2020


Ngayong Agosto 4 ay muli nang ibabalik ang operasyon ng lotto na halos apat na buwang itinigil mula noong Marso 15, 2020 kasabay ng maraming negosyo sa bansa dahil sa ipinatutupad na community quarantine sa gitna ng pandemya.


Dahil kailangang balansehin ng pamahalaan ng ekonomiya at usaping pangkalusugan ay unti-unti nang ibinabalik ang pagbubukas ng mga negosyo tulad ng mga restaurant, barber shop at iba pang kahalintulad nito.


Isa sa mga nabigyan ng pagkakataong magbalik sa operasyon ang lotto na pinatatakbo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na isa sa maraming ahensiya ng pamahalaan na malaki ang tulong sa bansa.


Ayon sa PCSO ang lotto games ay magbabalik sa lahat ng lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) o Modified GCQ (MGCQ), ngunit mahigpit na ipatutupad ang health protocol tulad ng physical distancing, pagsusuot ng face mask at pagdadala ng sariling ballpen.


Hindi naman lingid sa marami na ang PCSO ay hindi tumigil sa pagbibigay ng tulong sa marami nating kababayan kahit sa simula pa lamang ng pandemya hanggang sa kasalukuyan.


Alam n’yo ba na maraming kababayan natin na dating tumataya sa lotto ang labis na nalungkot dahil sa pagkakatigil ng operasyon nito sapagkat dito lamang sila humuhugot ng kanilang pag-asa para sa kanilang mga pangarap.


Bukod sa serbisyong naihahatid ng PCSO sa maraming nangangailangan ay marami rin itong natutulungang mananaya na mapasaya araw-araw dahil sa halagang P20 ay nagkakaroon sila ng pag-asa na makamit ang kanilang mga pangarap.


Hindi naman basta sugal lang ang lotto dahil sa malaking tulong ito para sa mga mahihirap nating kababayan na magkaroon ng pagkakataong yumaman sakaling sila ang makakatama ng jackpot.


Marahil may mga magsasabing inilalapit pa ng pamahalaan sa sugal ang ating mga kababayan ngunit nang sumailalim tayo sa ECQ at tumigil sa operasyon ang lotto ay naglabasan ang mga bogus raffle online na umaabot pa sa P50 hanggang P300 ang tayaan.


Ang masaklap pa, hindi naman lahat ay totoo ang raffle dahil karamihan ang nananalo sa bogus raffle ay kasabwat din ng may pa-raffle o kung totoo mang may mananalo ay sobra-sobra ang kinita ng may pa-raffle.


Ito ay dahil sa dumaranas na ng pagka-inip ang marami sa ating mga kababayan na nananatili lamang sa loob ng kani-kanilang tahanan dahil sa takot na mahawa sa COVID-19.


Kaya sa halip na maloko lang ang ating mga kababayan at maging biktima ng mga sindikato online ay tamang desisyon na ng pamahalaan ang ibalik ang operasyon ng lotto at tiyak pang may nananalo.


May mga nagsasabing mas madali pa umano ang tsansa na tamaan ng kidlat ng dalawang ulit kaysa tumama ng jackpot sa lotto ngunit mas mabuti pa rin ang pagtaya sa lotto dahil napupunta sa kawanggawa ang mga tayang hindi tumama.


Higit sa lahat maiibsan na ang mga kababayan nating nawawalan na ng pag-asa dahil sa ibinalik na sa P20 ng PCSO ang presyo ng bawat kombinsayon ng numero at sa halagang ito ay may tsansa na ang bawat mananaya na makatsambang yumaman.


Kung hindi makakatsamba ay may bukas pa na maaari muling tumaya ng P20 para sa panibagong pag-asa at mas masarap mangarap ng kahit napakaliit ng tsansa ay may tsansa at mahimbing ding nakakatulog dahil baka paggising ng isang mananaya ay mayaman na siya.


Mas mabuting mangarap ng may kaakibat na pag-asa, kaysa wala talagang pag-asa kahit katiting.


Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page