Search
  • BULGAR

Pagtatapon ng medical wastes, gawin ng tama!

ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | February 28, 2021


Ngayong nalalapit na ang pagsisimula ng national vaccination program upang labanan ang COVID-19, dapat kasama rin sa programa kung paano itatapon ang mga nagamit na syringes, vials, at iba pang medical wastes.


Kung kaya’t naghain tayo ng resolusyon sa Senado upang himukin ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, sa pakikipagtulungan ng mga eksperto at kinauukulan, na gumawa ng plano tungkol dito.


Layon ng Senate Resolution number 656 na magkaroon ng plano tungkol sa proper handling at management ng COVID-19 vaccination medical wastes upang maiwasan ang panganib na dala nito sa tao at sa kalikasan.


☻☻☻


Mula noong tayo ay nag-lockdown ay parang hindi nabibigyang-pansin ang isyung ito.

Ngunit, araw-araw ay marami sa atin ang gumagamit ng face masks upang protektahan ang ating mga sarili. Ito ay dapat maayos na naitatapon o nalilinis. Hindi pa kasama ang full PPE (na binubuo ng coveralls, N95 mask, gloves, head cover, shoe cover, goggles, surgical mask at a surgical gown) na isinusuot ng ating medical workers.


Ayon sa pagtataya ng Asian Development Bank noong Abril 2020, 280 tons ng medical waste ang mage-generate ng mga ospital sa Kamaynilaan sa isang araw. Sa datos naman ng DENR, 19,187.7 metric tons ng infectious healthcare waste ang na-produce ng bansa mula Abril hanggang Hulyo 2020.


Isipin na lang natin kung ilang toneladang medical waste na ang na-produce natin sa buong bansa mula ng pandemya hanggang ngayon, at ang posibleng medical risk na dala nito, hindi lamang sa mga ospital, kundi pati na rin sa mga taong nagha-handle ng medical waste.


Daragdag pa sa bilang na ito ang gagamiting medical equipment upang bakunahan ang tinatayang 60-70 milyon nating mga kababayan upang makamit ang herd immunity.


☻☻☻


Ilang buwan sa pandemya ay may mga balita na ng mga surgical mask na inaanod sa mga dalampasigan sa iba’t ibang panig ng mundo. Kung hindi pagpaplanuhan ng mabuti ay baka magising na lang tayo na isang araw ay puno na ng mapanganib na medical wastes ang ating mundo.


☻☻☻


Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan at huwag kalilimutang magdasal.

Malalagpasan din natin ito.


Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.