top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Pagtatalaga ng pulis sa anti-drug operations, salaing mabuti

Writer: BULGAR
BULGAR
May 10, 2023
1 min read

@Editorial | May 10, 2023


Isa marahil sa dahilan kaya hindi matapus-tapos ang problema sa ilegal na droga ay ang pagiging pasaway ng ilang pulis.


Ang mga inaasahang tagapagpatupad ng batas, sila pa ang pasimuno. Kaya nakapanlulumo at nakakagalit dahil nadadamay ang maraming pulis na tapat sa tungkulin.


Sa kabila nito, naniniwala tayo na hindi pa huli ang lahat. May pagkakataon pa para malinis ang hanay ng kapulisan. Unti-unti ay maaalis din ang mga bulok at mapapanagot ang mga dapat managot.


Sa ngayon, kasunod ng mga kaso ng ilegal na droga na kinasasangkutan ng mga alagad ng batas na ang iba ay mga opisyal pa, inihayag ng Philippine National Police (PNP) ang mga bagong panuntunan.


Mas hihigpitan na umano ang pagsasala sa mga kapulisan na nakatalaga sa iba’t ibang unit ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG).


Dapat ay pirmado ng mga station commader ang dokumento kung saan nagsagawa sila ng background check sa mga pulis.


Madadamay ang station commander kung sakaling masangkot sa droga ang isang pulis na nakatalaga sa anti-drug department.


Nangangahulugan ito na kailangang mas maging maingat at mahigpit sa pagtatalaga ng mga pulis sa anti-drug operations. Kapag may record ng pagkakasangkot sa drugs, out sa operasyon.


Panahon na para linisin ang PNP laban sa mga pasaway, palpak at walang konsensyang pulis na alam nating iilan lang ‘yan.


Kailangang pagtulungan ng bawat pulis ang hamon na ito. Huwag sanang hayaan na tuluyang malihis ng landas.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page