Pagtatalaga ng bagong secretary sa DOE, kontrobersiyal
- BULGAR
- May 31, 2022
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | May 31, 2022
LIHIM na umeeksena pa rin daw ang outgoing secretary ng Department of Energy (DOE).
Siyempre, malabo siyang manatili sa puwesto.
◘◘◘
PERO mayroong ibinubulong si ‘Marites’, iginapang umano nito na ang papalit sa kanya ay dapat na maging kapanalig niya.
Opkors, para walan siyang problema anu’t anuman ang mangyari.
◘◘◘
TOTOO kaya na ang itinutulak ni Alfonso Cusi na maging kapalit niya ay ang dating kongresistang si Rodante Marcoleta?
Maugong na kinumbinse siya ng lider ng PDP-Laban na umatras na lamang bilang kandidatong senador sa pasubaling ipatatalaga na lang siya bilang gabinete.
◘◘◘
PERO may butas ang kanyang pag-atras dahil wala ito sa maayos na proseso.
Simpleng isinumite umano nito ang statement of withdrawal kay Commissioner George Garcia imbes na pormal sa Comelec en banc.
◘◘◘
MALINAW na nag-file si Marcoleta ng COC pero malinaw din ba ang
naging proseso sa withdrawal ng candidacy?
Dapat ay masagot muna ‘yan bago siya maitalaga sa puwesto.
◘◘◘
BATAY kasi sa batas, hindi puwedeng i-appoint sa loob ng isang taon ang sinumang tao na nag-file ng kandidatura mula sa petsa ng COC at hindi sa petsa ng eleksyon.
Kumbaga, hindi kaya sakop ng pagbabawal ang kaso ni Marcoleta?
Maselan ‘yan.
◘◘◘
MAY ulat na inalis na sa listahan ng aspirante bilang secretary ng DOE sina Rep. Mikey Arroyo at ERC Chairman Agnes Devanadera.
Tanging pag-asa na lamang ng mga kasalukuyang may kontrol sa DOE ay si Marcoleta.
Iyan ay kung makalusot.
◘◘◘
UMATRAS si Marcoleta dahil sa mahina siya sa lahat ng resulta ng election survey.
Malaking problema ni BBM kapag naitalaga siya sa DOE, hindi siya tatantanan ng intriga.
◘◘◘
NASA sa kamay na ng Pangulo ang kapangyarihang pumili ng mga karapat-dapat na puwedeng mamuno sa iba’t ibang departamento – kabilang ang DOE.
Mas mainam ay kung rerebisahin muna ng screening committee ang mga probisyon at reglamentong sumasaklaw sa pag-atras ng isang kandidato.
◘◘◘
Sa kaso ni Marcoleta, kay Commissioner Garcia siya nagsumite ng statement of withdrawal at hindi sa Comelec en banc na nakasaad sa Omnibus Election Code.
Kung sakali, hindi ba’t mali ang proseso.
At kung mali ang proseso, lumalabas na hindi pala talaga ganap ang pag-atras ni Marcoleta.
◘◘◘
BAKIT kaya tila may kumokontra na maitalaga ang isang ekspertong tulad ni Benito Ranque na suportado ng ECOP, PCCI, at PhilExport?
Takot ba sila mabulatlat ang mga bulilyaso?
May kalansay ba sa loob ng DOE?








Comments