top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

Pagtanggal ng “Diktadurang Marcos” sa kurikulum, walang pressure — DepEd

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 13, 2023
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | September 13, 2023


Binigyang-katwiran ng Department of Education (DepEd) ang naging desisyon nilang tanggalin ang pangalan ni “Marcos” mula sa salitang kasama nito na “diktador” sa kanilang revised curriculum, at sinabing ang lesson guide para sa Araling Panlipunan ay “nakahanay” at “nakaayos” lamang ng mga curriculum specialists.


Sa isang press conference kamakailan, kinumpirma ni DepEd Bureau of Curriculum and Development (BCD) Director Jocelyn Andaya ang authenticity ng internal memorandum na kumakalat online na nag-uutos sa bureau na baguhin ang “Diktadurang Marcos” sa “Diktadura” lamang sa Grade 6 Araling Panlipunan curriculum.


Ayon kay Andaya, “no pressure of any kind” na nagbunsod sa desisyon ng DepEd na tanggalin ang pangalan ng ama ng Pangulo sa salitang “Diktadurang Marcos.” Dagdag niya, ang desisyon ay ginawa matapos suriin ang naturang curriculum ng iba’t ibang mga bureaus sa ilalim ng curriculum strand.


Paliwanag ng BCD director, kung titingnan ang kurikulum, makikita ang paraan ng paglalahad ng mga aralin o lessons ay hindi partikular sa sinumang tao kundi sa mga makasaysayang pangyayari o historical events. Diin niya, in-organize o iniayos lang nila ang curriculum guide.


Itinanggi rin ni Andaya ang anumang anyo ng “historical revisionism” sa pagbabago ng salita, at iginiit na ito ay purong isang academic discussion lamang.


Sinabi ng opisyal na ang revised curriculum ay isang “living document” na maaaring i-improve habang ang iba’t ibang tanggapan sa ilalim ng curriculum strand ay nagrerepaso sa mga nilalaman nito, gayundin matapos ang malalimang talakayan ng mga curriculum specialists at magkaroon ng consensus.


Aniya pa, inihanay lang nila ang paksang ‘Hamon ng Demokrasya’ sa naunang paksa, na ‘Hamon sa Neokolonyalismo,’ kung kaya nakatutok lang sila sa mga kaganapan at tema na nangyayari sa Pilipinas.


Nakasaad sa internal memorandum na ang direktiba ay, “made even after the arduous process of review and revision was done under the guidance scrutiny of experts, the review of stakeholders and the public launch of the MATATAG curriculum”. Ang memorandum ay may petsang September 6, habang ang bagong DepEd curriculum para sa Kinder-Grade 10 ay inilunsad noong August 10.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page