top of page
Search
  • BULGAR

Pagtangay ng sanggol sa ospital, 'wag balewalain

ni Ryan Sison @Boses | October 15, 2023


Pagkabaliw ang maaaring maramdaman ng isang ina kung ang kanyang sanggol ay bigla na lamang mawala na parang bula.


Ito marahil ang naramdaman ng isang nanay matapos na umano’y makidnap ang kanyang 3-buwang gulang na beybi sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) sa Davao City.


Gayunman, naaresto agad ng pulisya ang isang 36-anyos na babae at ang kanyang asawa dahil sa umano’y pagkidnap habang na-rescue naman ang naturang sanggol.


Ayon kay Police Major Antonio Luy, isang nagngangalang “Rhea” na nasa ospital nitong Huwebes ng hapon ang lumapit sa ina ng sanggol. Nag-alok ng tulong si Rhea sa ina, sa pagproseso ng mga dokumento para sa hospitalization ng beybi, at pagkatapos ay humingi rin ng tulong kung ang ina ay maaaring magbigay ng gatas para naman sa kanyang sanggol.


Nagmula ang ina sa Surigao City na nagtungo sa Davao City para sa medical needs ng kanyang sanggol matapos makaranas ng panginginig at seizures.


Sinabi ni Luy na humihingi ng gatas ang suspek sa nanay dahil diumano may anak din ito. At sa kabaitan ng biktima, nag-pump ito ng kanyang gatas. Habang nagpa-pump siya at nakatalikod, hawak-hawak ng suspek ang beybi. Nang sandali iyon, sinamantala nito at dahan-dahang lumayo kasama ang bata.


Makalipas ang higit 12-oras, nasagip naman ang sanggol sa bahay ni Rhea sa Barangay Mintal nitong Biyernes ng umaga, nang makatanggap ng tawag ang mga pulis mula sa kapitbahay ng suspek.


Sa ngayon, ayon sa pulisya ay nasa mabuting kalagayan na ang sanggol. Naging emosyonal naman ang ina nang makasama niyang muli ang kanyang anak sa isang ospital sa Barangay Mintal.


Paliwanag ng suspek na nawalan siya ng anak kaya naman kumuha siya ng sanggol sa ospital.


Inaresto rin ang asawa nito, pero itinangging sangkot siya sa krimen. Katwiran ng asawa na wala siya at natatrabaho nang manganak si Rhea noong Agosto. Posibleng nag-aalala ang suspek na sa pag-uwi ng kanyang asawa ay hindi na nito makikita ang anak.


Inihahanda na ng pulisya ang mga kasong kidnapping laban sa mag-asawa.


Nakakabahala ang napapabalita na bigla na lang may kumukuha ng beybi, tapos ay ibinebenta sa mga walang anak na mag-asawa o kaya naman ay may nagkapalit na mga sanggol. Ang iba naman dahil sa sobrang pagkaulila sa namatay nilang sanggol na halos mabaliw na, nagagawa nilang kuhanin at angkinin ang beybi ng iba.


Batid natin na may batas na umiiral patungkol dito subalit tila nababalewala.


Marahil, dapat tutukan ang pagpapatupad ng batas laban sa kidnapping at aksyunan ng kinauukulan ang mga ganitong pangyayari bago pa tuluyang lumala.


Kailangan din sigurong mas paigtingin pa ang pagkakaroon ng proteksyon, at lubos na pangangalaga sa mga ina at sanggol hindi lang sa pisikal nila kundi pati na rin sa mental, emosyunal na aspeto ng kanilang buhay upang higit pang mapabuti ang kanilang kalusugan.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page