Search
  • BULGAR

Pagtaguyod ng kapakanan at karapatan nating kababaihan, ayos!

ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | March 7, 2021



Nais nating batiin at ipahatid ang ating pakikiisa sa lahat ng kababaihan sa ating pagdiriwang ngayong National Women’s Month at bukas naman ng National at International Women’s Day.


Itinatampok ngayong taon ang mga oportunidad at hamon na dulot ng COVID-19 pandemic sa ating kababaihan. Ipinapakita rin nito ang kakayahan nating kababaihan na tugunan, at patuloy na pagtugon, sa mga pagbabagong dulot ng kasalukuyang panahon.


Marami sa atin na nasa posisyon, sa Pilipinas man o sa ibang bansa, ang patuloy na nagpapamalas ng abilidad at liderato upang pawiin ang mga pangambang dulot ng kahirapan at kawalang katiyakan.


Ilan lamang sa mga ehemplo nito ay sina Tsai Ing-wen (Taiwan), Jacinda Ardern (New Zealand), at Angela Merkel (Germany); kasama sina Mayor Trina Firmalo-Fabic ng Odiongan, Romblon, at Mayor Krisel Lagman-Luistro ng Tabaco, Albay. Pitong senador naman ang babae sa Senado ngayon, na pinakamataas na bilang sa kasaysayan.


☻☻☻


Ngunit, sa kabila ng abanse at mga nakamit nating mga tagumpay ay hindi pa rin tapos ang laban. Marami pa tayong puwedeng gawin upang itaguyod ang kapakanan at karapatan nating kababaihan.


Marami na tayong panukalang inihain sa Senado na sasagot sa nagbabagong panahon, tulad na lamang ng electronic violence against women and children.


Sa Senate Bill number 111, ang electronic violence ay ang paggamit ng anumang porma ng information and communications technology (ICT) upang makapagdulot ng mental, emotional o psychological distress o suffering sa biktimang babae o bata.


Kasama rito ang pagkuha o pag-upload ng mga larawan o video ng maseselan na parte ng katawan, o kaya naman ay pangha-harass sa biktima sa pamamagitan ng text o iba pang katulad na pamamaraan.


Sa unang termino pa lamang bilang Senador ng inyong lingkod ay inihain na natin ang panukalang ito, ngunit hanggang ngayon ay nakabinbin pa rin.


☻☻☻


Upang tayo ay makapagtaguyod ng mapagkalinga at maunlad na lipunan ay kailangan pa rin nating magpatuloy sa pagkilos at pakikilahok. Magkasama tayo sa labang ito tungo sa pagsasasakatuparan ng ating mga adhikain.


Isang mapagpalayang Buwan at Araw ng Kababaihan sa ating lahat!


☻☻☻


Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.


Malalagpasan din natin ito.


Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.