Pagtaas ng kaso ng rape, nakakaalarma
ni Ryan Sison @Boses | Enero 30, 2024
Tugisin ang mga gang at sindikato na nambibiktima ng mga batang babae.
Ito ang direktiba ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa Philippine National Police (PNP) kasunod ng mga report ng pagtaas ng mga kaso ng pang-aabuso sa ating bansa partikular na sa mga kabataang babae.
Batay sa ulat, target na biktimahin ng mga naturang gang at sindikato ang mga batang babae na nasa edad 15 pababa, kung saan madali ang mga itong malinlang, habang tumataas ang mga kaso ng rape sa mga bata.
Nagulat naman si Abalos sa lumabas na report na mayroong lugar na numero uno na naitatalang krimen ay hindi nakawan o cybercrime, kundi rape o panghahalay. Kaya inatasan na niya ang PNP na magdoble-sikap para protektahan ang mga kabataang babae.
Pahayag pa ng kalihim, base sa 2022 National Demographic and Health Survey na isinagawa ng Philippine Statistics Authority (PSA), aabot sa 17.5 porsyento ng kababaihang Pinoy na nasa edad 15 hanggang 49 ang dumaranas ng pisikal, sekswal at emosyonal na pang-aabuso mula sa kanilang mga partner gaya ng asawa, ka-live-in at nobyo.
Kaugnay nito, ipinamo-monitor na rin ng DILG secretary ang iba pang modus operandi ng mga sindikatong gumagamit naman ng mga bata para sa pagpapalimos, pandurukot o snatcher na hawak ng mga ito, at ginagawang pang courier ng droga.
Kailangan talaga ng kinauukulan ang magdoble o magtriple pa ng pagbabantay sa ating mga kabataang babae dahil hindi malayong mas tumaas pa ang mga naitatalang kaso ng pang-aabuso o panghahalay sa mga ito.
Dapat nilang tiyaking napoproteksyunan at napapangalagaan ang kanilang kaligtasan lalo na iyong mga pumapasok sa eskwela at mga opisina.
Huwag din sana nilang tantanan ang pagtugis sa mga halang ang mga kaluluwa at walang konsensya, na walang alam kundi mambiktima ng mga mahihina at batang babae. Ikulong at patawan sila ng mabigat na parusahan.
Paalala sa mga magulang na bantayan nating mabuti ang ating mga anak, na kung kinakailangang ihatid sundo natin papasok sa iskul at pauwi ay gawin natin para masiguro ang kanilang kaligtasan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments