Pagtaas ng bilang ng severe COVID-19 cases, ‘wag isawalambahala!
ni Ryan Sison - @Boses | August 27, 2022
Tumataas ang bilang ng mga may malubhang sakit ng COVID-19 base.
Base sa datos na inilabas ng Department of Health (DOH), apat na sunod na linggo nang higit 9% ang mga severe at critical case sa COVID-19 admission sa mga ospital. Ito na umano ang pinakamataas na naitalang malubhang kaso ng COV ID-19 mula Hunyo.
Ayon kay DOH officer in charge Maria Rosario Vergeire, ito ay matapos makapagtala ang ahensya ng nasa 811 severe at critical case o 9.7% ng total COVID-19 admissions noong nakaraang linggo, kung saan higit kalahati sa malubhang kaso ay hindi pa bakunado o hindi kumpleto ang primary series ng COVID-19 vaccines.
Pero ayon kay Vergeire, hindi pa ito kailangang ikabahala ngayon dahil kung titingnan, hindi lumagpas sa 10% na threshold o 1,000. Gayunman, binigyang-diin ng opisyal na hindi dapat isawalambahala ang naturang pagtaas sa severe at critical cases.
Samantala, ayon sa OCTA Research Group, bumababa na rin ang bilang ng mga dagdag na kaso ng COVID-19 sa kabuuan. Sa katunayan, mayroong negative growth rate sa bansa na nasa -14% at ang reproduction number ay mas mababa na sa 1.
Ayon sa DOH, nasa 21% pa lamang ng eligible population ang nakatatanggap ng booster shot kontra COVID-19, kaya ilalapit na ang bakunahan sa mga komunidad upang mapataas pa ang bilang ng mga Pilipino na protektado sa sakit.
Batid nating hindi maiiwasan ang pagtaas ng bilang ng COVID-19 patients, gayung mas maluwag na ang paggalaw ng mga tao. Isa pa, tila nakakalimot na sa pag-iingat ang ilan nating mga kababayan. Nariyan pa ang humihinang immunity dahil sa pagbaba ng bilang ng mga nagpapabakuna.
Nakita natin ang epekto ng bakuna — bumaba ang bilang ng mga tinatamaan ng severe COVID-19, gayundin, nabawasan ang hawahan. Ibig sabihin, isa sa pinakamabisang hakbang ay ang pagpapabakuna.
Kung mas maraming mahihikayat na magpabakuna kontra COVID, mas malaki ang tsansa na maiwasan ang malalang epekto ng sakit.
Alam nating ginagawa ng pamahalaan ang kanilang makakaya at hangad nating kinakaya pa rin ng healthcare workers ang pagtugon sa mga tinamaan ng severe COVID-19.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments